Jerusalem-Kuse may trilogy fight, nabigo si El Gringo
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | May 18, 2026

Photo: Melvin Jerusalem vs Kuse 2 / Circulated
Inaasahang magaganap ang ikatlong paghaharap o trilogy sa pagitan ng bagong World Boxing Council (WBC) minimumweight champion Siyakholwa Kuse ng South Africa at dating Filipino titlist Melvin “El Gringo” Jerusalem ngayong taon na tinitingnang idaraos sa isang ‘neutral country.’
Ito’y matapos matuldukan ang five-fight winning streak ni Jerusalem sa bisa ng 12-round unanimous decision laban sa dating challenger sa main event bout ng Manny Pacquiao Presents: Blow-by-Blow “Thrilla in Manila II” noong Oktubre.
Tabla ang kanilang harapan kasunod ng 116-112, 116-111, at 115-112 para pumabor sa hometown favorite na si Kuse (10-3-1, 4KOs), habang mabigong madepensahan ni Jerusalem (25-4, 12KOs) ang korona sa ika-apat na pagkakataon. Ang tatlong hurado ay sina Samantha Bulner ng Australia, Jun Bae Lim ng South Korea, at Zanashir Taznaa (Mongolia), habang ang fight supervisor ay si Patrick Cusick.
“Respeto sa champion (Kuse). Medyo napaaga lang ‘yung cut, second round pa lang, kaya na-disturb ‘yung flow ng laro ni Melvin. Nahirapan s’yang maka-adjust kase malaki yung cut sa kaliwang mata niya. Kahit humihinto at the end of the round, pero kapag tinatamaan dumudugo pa rin,” pahayag ni head trainer Michael Domingo sa panayam ng Bulgar Sports sa telepono kahapon.
“Nasa contract naman ‘yung rematch at mag-meeting pa iyong both sides. We’re expecting na this year ‘yung rematch. Kung ako ang tatanungin, as much as possible sa neutral country na lang gaya ng Japan gawin yung third fight,” dagdag ni Domingo, na medyo diskumpiyado rin sa kinalabasan ng scoring ng mga hurado.
“Nasunod naman ‘yung game plan namin, pero pagdating ng eighth round, ‘di na siya gumagalaw masyado at makatakbo kasi nag-cramps na siya. Kapag gumalaw siya, baka mag-worsen at ma-TKO pa, kaya lumaban na siya nang sabayan,” paliwanag ni Domingo. “Sa ngayon pahinga muna at waiting sa usapan kung sino mag-promote. Reset muna tayo.”





Comments