Jean Genie, nanalo sa PHILRACOM Race
- BULGAR
- Jan 3, 2022
- 1 min read
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | January 03, 2022
Hindi binigo ni Jean Genie ang mga liyamadista nang manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, kahapon.
Sinakyan ni PJA Guce, pumuwesto sa pangalawa si top favorite Jean Genie paglabas ng aparato upang panoorin ang nasa unahan na si Smiling Lady.
Papasok ng far turn ay unti-unti ng kumakapit na sa unahan si Jean Genie at nakipagtagisan ito ng bilis hanggang rektahan.
Nagkapanabayan sina Jean Genie at Smiling Lady papalapit ng huling kurbada, umabot ang kanilang bakbakan hanggang rektahan at nakaungos ang winning horse bandang 100 metro ng laban.
Nagwagi si Jean Genie ng may limang kabayo ang agwat sa nasegundong si Smiling Lady, tersero si Perfect Time habang pang-apat si Dollarama.
"Swabeng swabe ang pagkakadala, kahit nagkaroon ng matinding bakbakan ay parang hindi nahirapan si Jean Genie," saad ni Orlando Calingasan, karera veteran.
Lahi nina Break The Vault at Dancing Flame, inirehistro ni Jean Genie ang tiyempong 1:27. 2 sa 1,400 meter race. Nasilo ni horse owner MD Floirendo ang added prize na P5,000 sa pagkakapanalo ni Jean Genie sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Samantala, hindi nagpadaig si Moves Like Jagger ng magpakitang gilas sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na pinakawalan sa pangalawang karera. Nirendahan ni EA Abrea, nagtala ng impresibong 1:27 minuto sa 1,400 meter race si Moves Like Jagger sapat upang hamigin ang karagdagang P10,000 premyo para sa mananalong 3-Year-Old horse.
Dumating na segundo si Bacuit Bay, pangatlo si Dona Chichay habang pang-apat at pang-lima sina Matinloc Island at Tatler Story ayon sa pagkakasunod.





Comments