Jazz ni Fil-Am Clarkson, No. 1; Lakers ni Lebron, masisibak
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 09, 2021

Bumida muli ng malaki si Jordan Clarkson sa 127-120 panalo ng numero unong Utah Jazz sa humahabol na Denver Nuggets sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Vivint Arena. Ipinasok ni Clarkson ang pandiin ng tres at isang free throw sa huling minuto upang manatili sa tuktok ng buong liga ang Jazz sa kartadang 49-18.
Nagtapos si Clarkson na may 21 puntos sa 37 minuto upang takpan ang pagliban ang mga All-Star Donovan Mitchell at Mike Conley Jr. Umapoy para sa 48 puntos sa 39 minuto si Bojan Bogdanovic.
Itinulak pababa ng Portland Trail Blazers ang defending champion Los Angeles Lakers sa ika-7 puwesto ng West, 106-101, sa gitna ng pagsabog ng 38 puntos ni Damian Lillard. Kailangan na bumawi ang Lakers (37-30) sa nalalabi nilang limang laro upang makaiwas sa delikadong State Farm Play-In Tournament sa Mayo 18. Hindi pa rin nakapaglalaro si NBA superstar LeBron James dahil sa lumalang injury. Sinabi ni Davis na kung malusog ang kanilang player ay siguradong sila pa rin ang hihiranging top team sa NBA
Isang laro pa rin ang agwat ng Jazz sa segundang Phoenix Suns na tinalo ang bisitang New York Knicks, 128-105. Sa kabilang banda, isang hakbang ang kinuha ng San Antonio Spurs upang makabalik ng playoffs at binigo ang Sacramento Kings, 113-104.
Lumalayo na ang Philadelphia 76ers at malapit na nila masungkit ang numero unong puwesto sa Eastern Conference matapos ang 109-107 panalo sa New Orleans Pelicans. Ipinasok ni Tobias Harris ang tres na may isang minuto sa orasan upang maagaw ang lamang at magtapos na may 17 puntos at hindi masayang ang 37 puntos at 12 rebound ni Joel Embiid.
Umakyat sa ikalawang puwesto sa East ang Milwaukee Bucks sa bisa ng kanilang 141-133 tagumpay sa kulelat na Houston Rockets. Nanguna si Brook Lopez na may 24 puntos upang makatabla ang Bucks sa Brooklyn Nets sa kartadang 43-24 subalit mananaig ang Bucks sa bisa ng kanilang dalawang panalo sa Nets.





Comments