Jazz ni Clarkson, naka-3 wins na, T'Blazers, sinunog Lakers
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 25, 2022

Perpekto pa rin ang Utah Jazz salamat sa pagbida ni Gilas Pilipinas Jordan Clarkson sa 121-120 panalo sa overtime kontra sa dating walang talong New Orleans Pelicans sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Smoothie King Center. Nanatiling malinis din ang Portland Trail Blazers sa tatlong laro at ibinaon ang Los Angeles Lakers, 106-104.
Ipinanalo ng buslo ni Kelly Olynyk na may tatlong segundo sa orasan. Agad kinuha ni CJ McCollum ng Pelicans ang bola subalit nagmintis ang kanyang madaliang tira mula sa 27 talampakan sabay ng huling busina at kumpirmasyon ng ikatlong sunod na panalo ng Utah.
Nagtapos si Clarkson na may 18 puntos mula sa tatlong tres. Nanguna sa Jazz sina Lauri Markkanen na 31 puntos at Olynyk na may 20 puntos.
Buong tapang na ipinasok ni Jerami Grant ang bola para palamangin ang bisitang Portland na may 3 segundong nalalabi, 106-104. Umapoy para sa anim na 3-points si Damian Lillard patungo sa 41 puntos at sinuportahan ni Grant na may 16 puntos.
Hindi rin pinalad ang Los Angeles Clippers at bumigay sila sa bisitang Phoenix Suns, 112-95, sa pangalawang laro sa Crypto.com Arena sa parehong araw. Nagsabog ng 35 puntos si Devin Booker upang paangatin ang Suns sa 2-1.
Bumalik sa panalo ang World Champion Golden State Warriors kontra sa bisitang Sacramento Kings, 130-125. Ipinasok ni Stephen Curry ang pitong tres para sa 33 puntos sa loob ng 31 minuto sa korte.
Sa ibang laro, gumawa ng pito ng kanyang 37 puntos si Donovan Mitchell sa overtime upang itulak ang Cleveland Cavaliers sa 117-107 tagumpay sa Washington Wizards.
Umulit ang Minnesota Timberwolves sa Oklahoma City Thunder, 116-106, sa kanilang pangalawang pagkikita sa unang linggo ng bagong taon ng liga.





Comments