Jazz ni Clarkson, ginulat ang Clippers; Cavs, nanaig
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 8, 2022

Ibang klase ang nilaro ni Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at binigo ng kanyang Utah Jazz ang Los Angeles Clippers, 110-102, sa doubleheader sa NBA kahapon mula sa Crypto.com Arena. Sa unang laro, hindi rin pinalad ang Los Angeles Lakers sa bisitang Cleveland Cavaliers, 114-100.
Binuksan ni Clarkson ang 4th quarter sa kanyang pang-anim na three-points at itabla ang laban, 87-87. Hindi na siya pumuntos mula roon subalit nabuhayan ang mga kakampi hanggang itayo nila ang komportableng 106-98 lamang at 2:41 ang nalalabi.
Nagbanta ang Clippers subalit pinalamig sila ng magkasunod na shoot nina Collin Sexton at Lauri Markkanen sa huling minuto para ibalik sa walo ang lamang sabay tunong ng busina. Nagtapos si Clarkson na may 23 puntos, 17 sa first half, habang 22 si Sexton bilang pangunahing reserba na dating papel ni Clarkson.
Nagising ang Cavs sa second half upang baligtarin ang 64-58 lamang ng Lakers at manatiling pangalawa sa Eastern Conference sa kanilang ika-8 sunod na panalo matapos matalo sa unang laro ng taon para sa kartadang 8-1. Matapos manalo ng dalawa ay dalawang sunod na talo ang Lakers para sa kartadang 2-7.
Bumuhos ng 12 sa kanyang 33 puntos sa second half si Donovan Mitchell habang bumawi mula sa malamyang first half si sentro Jarrett Allen para sa lahat ng 16 puntos na may kasamang 11 rebound. Nag-ambag si Darius Garland ng 24 puntos.
Sa ibang mga laro, nanaig ang Memphis Grizzlies sa bisitang Washington Wizards, 103-97. Espesyal ang araw ngayon sa NBA at lahat ng 30 koponan ay maglalaro. Walang laro bukas upang magbigay daan sa halalan sa Estados Unidos kung saan hinihimok ng liga ang mga mamayanan na gamitin ang kanilang karapatang bumoto.





Comments