Boatwright isa sa 12 ng Gilas sa FIBA qualifiers

ni Anthony Servinio @Sports | November 12, 2026

Photo: Bennie Boatwright - Circulated
Laro sa Nob. 27 - Seremban
8 PM Pilipinas vs. Syria
Buo na ang isang dosenang magiting na manlalaro ng Gilas Pilipinas para sa pagpapatuloy ng FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers ngayong buwan sa Seremban, Malaysia. Aabangan ang unang sabak ni Bennie Boatwright para sa pambansang koponan kasabay ng pagbabalik ng ilang kakampi.
Asahan na tatakpan ni 6'10" Boatwright ang puwang na nilikha ng pag-retiro sa Gilas ni June Mar Fajardo at patuloy na suliranin sa kalusugan ni Justin Brownlee. Si Boatwright ay naging mamamayan ng Pilipinas sa bisa ng RA 12323 na pumasa sa Kongreso noong Agosto 31.
Magsusuot muli ng pambansang uniporme sina Rhenz Abando, Mike Phillips at Quentin Millora-Brown na hindi nakalaro noong nakaraan dahil sa obligasyon nila sa mga koponan sa Timog Korea at Japan. Papalitan nila sina Justine Baltazar, Troy Rosario at Justin Arana.
Sasamahan nila ang mga matitibay na sina Dwight Ramos, Kai Sotto, AJ Edu, Kevin Quiambao, Scottie Thompson, CJay Perez, Chris Newsome at Juan Gomez de Liano. Eksaktong 12 at walang piniling reserba si Coach Tim Cone.
Nakatakdang harapin ng Gilas ang Syria sa Nobyembre 27 at Iran sa 29. Kahit wala si Brownlee ay winalis ng Gilas ang dalawang laro sa Jordan, 82-81 sa overtime, at Iran, 68-56.





Comments