Jazz, Magic at Mavericks, nagsipanalo sa Preseason
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 15, 2021

Malaking papel ang ginampanan ni Pinoy Pride Jordan Clarkson at pinabagsak ng kanyang Utah Jazz ang World Champion Milwaukee Bucks, 124-120, sa NBA Preseason kahapon sa Vivint Arena. Namuno si Clarkson sa 18 puntos subalit ang kapwa-reserba ang tumulak sa koponan sa huling mga minuto upang makamit ang tagumpay.
Lamang ang Bucks ng walo at anim na minuto ang nalalabi, 114-106, subalit humabol ang Jazz hanggang maagaw ang lamang sa buslo ni Jared Butler na may 3:21 sa orasan, 117-116. Sinundan ito ng dunk ni Derrick Alston Jr. at tres ni Elijah Hughes, 122-116, at kumapit sila sa huling 1:39 para mapantay ng Utah sa 2-2 ang kartada sa preseason.
Sinundan si Clarkson ni Butler na may 16 puntos at Bojan Bogdanovic na may 14 puntos. Dumagdag ng 13 si Mike Conley habang tig-12 sina Hughes at Donovan Mitchell. Nagsumite si Khris Middleton ng 25 puntos para sa Bucks na bumaba ang kartada sa 1-2.
Ito na ang huling laro sa preseason para sa Utah. Tututok na sila sa pagbubukas ng kampanya sa 2021-2022 NBA sa Oktubre 21 kung saan bibisita ang Oklahoma City Thunder.
Sa iba pang laro, ipinanalo ni rookie Jeff Dowtin sa huling busina ang Orlando Magic sa Boston Celtics, 103-102. Habang ipinasok ni Jeremy Lamb ang bola sa 4.8 segundong nalalabi upang iangat ang Indiana Pacers laban sa Memphis Grizzlies, 109-107.
Tambakan ang mga hiwalay na panalo ng Dallas Mavericks sa Charlotte Hornets, 127-59, at Phoenix Suns sa Portland Trail Blazers 119-74. Wagi rin ang New York Knicks sa Detroit Pistons, 108-100, at Oklahoma City Thunder sa Denver Nuggets, 108-99.





Comments