Jazz, Hawks, 76ers at Bucks, nambagsak
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 07, 2021

Walang awang giniba ng Utah Jazz at Pinoy pride Jordan Clarkson ang San Antonio Spurs, 126-94, upang maagaw muli ang solong liderato ng buong NBA kahapon sa Vivint Arena. Winalis ng Jazz ang kanilang tatlong tapatan sa Spurs ngayong taon upang umakyat sa 48-18.
Tabla ang laban, 10-10, at 7:49 ang nalalabi sa first quarter noong ipinasok ni Coach Quin Snyder si Clarkson at agad nagsabog ng 12 puntos upang itayo ang 31-26 na lamang at hindi na nila binitawan ito. Kahit matagal na ipinahinga si Clarkson ay nagawa pang lalong palakihin ng kanyang mga kapwa-reserba ang lamang, 112-71, at may walong minuto pa sa orasan.
Nagtapos si Clarkson na may 30 puntos sa loob lang ng 25 minuto. Sinundan siya nina Bojan Bogdanovic na may 24 at Joe Ingles na may 14 puntos.
Malaking tulong sa Jazz ang nakagugulat na panalo ng Atlanta Hawks sa dating numero uno Phoenix Suns, 135-103. Nanguna si Clint Capela na may 18 puntos at 10 rebound ang balanseng atake ng Hawks (37-30) at lalong humigpit ang karera sa Eastern Conference,
Lalong tumibay ang kapit ng Philadelphia 76ers sa liderato ng East at dinurog nila ang kulelat sa buong NBA na Houston Rockets, 135-115. Nagparamdam si Joel Embiid na dapat siyang maging MVP sa kanyang 34 puntos at 12 rebound at sinundan ni Shake Milton na may 19 puntos.
Sumabay sa panalo ang Milwaukee Bucks at tinakasan ang banta ng Washington Wizards, 135-134, salamat sa magandang depensa sa huling mga segundo. Namuno sa Bucks (42-24) si Jrue Holiday na may 29 puntos at nag-ambag ng 23 si Giannis Anteokounmpo.
Nakasiguro ang Denver Nuggets ng puwesto sa playoffs matapos talunin ang New York Knicks, 113-97, sa likod ng 32 puntos at 12 rebound ng kanilang kandidato sa MVP Nikola Jokic. Gumawa ng 25 mula sa anim na tres ang dating Knick na si Austin Rivers na pumirma sa Nuggets bilang kapalit ni Jamal Murray na inoperahan ang tuhod at sa susunod na NBA na ang balik.





Comments