Jarvey Gayoso, maglalaro sa Thailand
- BULGAR

- Dec 6, 2020
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 6, 2020

Matapos ipamalas ang husay sa katatapos na Philippines Football League (PFL), makikipagsapalaran si Jarvey Gayoso ng Azkals Development Team (ADT) at dadalhin ang kanyang talento sa ibayong dagat. Lilipad siya patungong Thailand sa susunod na linggo upang pormal na isakatuparan ang kanyang paglipat sa Muangthong United, isa sa mga tinitingalang koponan sa Toyota Thai League One.
Sa pamumuno ni Gayoso, nagwagi ang ADT sa kanilang huling tatlong laro upang makalikom ng siyam na puntos at tapusin ang torneo sa ikatlong puwesto. Gumawa ang dating UAAP Most Valuable Player ng apat na goal at dalawang assist sa tatlong nasabing tagumpay.
Hindi nakakapagtaka ang pagtawag ng Muangthong kay Gayoso dahil iyan din ang parehong koponan na saglit hinawakan ng kanyang coach sa ADT na si Scott Cooper noong unang tatlong buwan ng 2014. Makakasama niya sa bagong koponan ang Azkal na si defender Daisuke Sato.
Kasalukuyang nasa ika-siyam na puwesto ang Muangthong sa 16 koponan ng Thai League. Mayroon silang 17 puntos mula sa limang panalo, dalawang tabla at anim na talo.
Ang napipintong paglipat ni Gayoso ay lalong magpaparami ng mga Pinoy na naglalaro sa Thailand. Nagsimula ang torneo na may 13 kasalukuyan at dating Azkals at maliban kay Gayoso, hinihintay kung anong koponan ang pipirmahan ni OJ Porteria na inihayag ang pag-alis sa kampeon ng PFL United City.
Si Gayoso ay anak ng dating PBA player na si Jayvee Gayoso ng Barangay Ginebra at Tanduay. Ang kanyang lolo ay ang dating PBA champion coach na si Ed Ocampo na unang nakilala bilang mahusay na atleta sa Football at Basketball noong kanyang kabataan.





Comments