Japan trip ni Marcos, kasado na.. Sangkaterba uli ang kasama
- BULGAR

- Feb 2, 2023
- 2 min read
ni Mylene Alfonso | February 2, 2023

Inanunsyo kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pitong key bilateral agreements ang inaasahang malalagdaan sa official working visit ni Pangulong Bongbong Marcos sa Tokyo, Japan sa darating na Pebrero 8 hanggang 12.
Sa pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni DFA Assistant Secretary for Asian and Pacific Affairs Neal Imperial na kabilang sa pitong kasunduan ay may kinalaman sa infrastructure development, defense, agriculture, at information and communications technology na pasok sa priority agenda ni Marcos.
Ayon kay Imperial, inaasahan din ang paglagda ng “umbrella terms of reference” kaugnay sa humanitarian assistance at disaster relief cooperation sa panahon ng working visit kung saan lalagdaan ito ng Department of National Defense (DND) at ng Ministry of Defense ng Japan.
Gayundin, kasama sa pagbisita ang pagpapalitan ng mga notes sa mga loan agreements hinggil sa mga infrastructure projects.
Nabatid na dahil sa imbitasyon ni Japanese Prime Minister Kishida Fumio ang pagbisita ni Marcos kung saan ito ang kauna-unahang pagbisita ng Pangulo sa Japan mula nang maluklok sa puwesto at ikatlo naman na kanyang biyahe sa labas ng bansa ngayong taon.
Magsisimula ang official activities ng Pangulo sa Pebrero 9 sa pamamagitan ng ilang pulong kabilang ang bilateral meeting ni Marcos kay Kishida na una nang nagkausap sa United Nations General Assembly (UNGA) sa New York noong nakaraang Setyembre.
Ang bilateral meeting ay susundan ng isang working dinner na pangangasiwaan ng Japanese Prime Minister. Nakatakda ring magkaroon ng courtesy call ang First Couple kina Emperor Naruhito at Empress Masako.
Makikipagpulong din ang Pangulo sa mga chief executive officers ng Japanese shipping companies at association upang maisulong ang global competitiveness ng mga Filipino seafarers maging ang maritime education at welfare programs.
Nabatid na mahalaga ang pagbisita ng Pangulo sa Japan dahil ito ang ikalawang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas at ikatlong pinakamalaking export market at ikalawang top source ng imports.
Nabatid na isa ang Japan sa dalawang strategic partner ng Pilipinas kung saan isa rito ay ang Vietnam. Bago tumulak pabalik ng Maynila, makikipagkita si Marcos sa mahigit 1,000 miyembro ng Filipino community sa Tokyo.
Kabilang sa delegasyon ng Punong Ehekutibo sina First Lady Liza AranetaMarcos, dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Finance Sec. Benjamin Diokno, Trade Sec. Alfredo Pascual, Energy Sec. Raphael Lotilla, Tourism Sec. Christina Frasco, Special Assistant to the President Anton Lagdameo at Communications Sec. Cheloy Garafil.
Idinagdag ni Imperial na malaking business delegation din ang inaasahan na makakasama sa delegasyon ni Marcos.
Aalis sa Maynila ang Pangulo sa hapon ng Pebrero 8 at darating sa Tokyong gabi sa kaparehong araw.








Comments