top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

James, bida sa overtime, tabla sa Clippers sa 6th

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 6, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 6, 2023




Bumida si LeBron James sa 135-133 overtime panalo ng bisitang Los Angeles Lakers kontra Utah Jazz sa tampok na laro sa NBA kahapon sa Vivint Arena. Dahil dito, tumabla ang Lakers sa nagpapahingang LA Clippers sa 41-38 at ika-anim na puwesto sa Western Conference.


Sumaksak para sa nagpapanalong buslo si James na may 27 segundo sa orasan at magtapos na may 37 puntos. May pagkakataon ang Jazz subalit nagmintis ang dating Lakers Talen Horton-Tucker sa huling anim na segundo.


Nakatakdang magharap ang Lakers at Clippers ngayong araw sa Crypto.com Arena at ang magwawagi ay lalapit sa siguradong upuan sa Playoffs habang ang matatalo ay bababa sa AT&T Play-In Tournament. Sisikapin ng Clippers na walisin ang kanilang apat na laro sa Lakers ngayong taon.


Umiwas ang World Champion Golden State Warriors sa komplikasyon ng tabla kasama ang Lakers at Clippers at nanaig sa Oklahoma City Thunder, 136-125. Uminit para sa 34 puntos mula anim na tres si Stephen Curry para umangat sa 42-38 subalit hindi pa nakakasigurado sa Playoffs kahit ika-lima sa West.


Binitin ng kulelat na Houston Rockets ang koronasyon ng Denver Nuggets bilang numero uno ng West, 124-103. Nanguna sa Rockets si kabayan Jalen Green na may 32 puntos.


Inantala din ng Philadelphia 76ers ang pagkuha ng Boston Celtics ng Atlantic Division championship, 103-101. Nagsabog ng 52 puntos at 13 rebound si Joel Embiid.


Kung nabitin ang Nuggets at Celtics ay nakaraos ang Sacramento Kings at pormal na nakamit ang kampeonato ng Pacific Division matapos manalo sa New Orleans Pelicans, 121-103, sa likod ng 23 puntos ni De’Aaron Fox. Limang taong gulang lang si Fox noong huling naghari sa Pacific ang Sacramento noong 2003.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page