top of page
Search
BULGAR

Jaime Cardinal Sin, nananatili sa puso ng mamamayan

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 1, 2024


Fr. Robert Reyes

Magkasintada sana si Cardinal Jaime Sin at ang aking ina kung pareho silang buhay ngayon. 


Pareho silang ipinanganak noong 1928, si Cardinal Sin ng Agosto 31 at ang aking nanay Naty ng Disyembre 21. Naunang namatay si Jaime Cardinal Sin noong Hunyo 21, 2005. Nasa 19 na taon nang patay ang Cardinal. 


Nitong Sabado, Agosto 31 ay ang kanyang ika-96 sanang kaarawan. Laking panghihinayang at hindi natin kasama ang butihing Cardinal na ama ng 1986 People Power Revolution.


Nagkataong huling Biyernes ng buwan, nagtungo na naman ang ilang grupo at indibidwal sa Plaza Roma sa harapan ng Comelec para patuloy na magpahayag ng kanilang posisyon hinggil sa sinasabing pandaraya noong nakaraang pambansang halalan. 


Pagkatapos ng misa sumayaw sa harapan ng Comelec ang tatlong ballot boxes na may mensaheng, “Buksan ang mga ballot boxes sa Santo Tomas, Batangas.” Kasama ng sumasayaw sa loob ng mga karton na ballot boxes ay ang dalawang sumasayaw rin na suot ang maskara nina Alice Guo at Comelec Chair George Garcia. Nagkataong merong dumalong dalawang matatapang na volunteers, isang babae at isang lalaki. Humarap ng Comelec ang dalawa at nagsimulang magsalita at pagbatikos sa Comelec. 


Sa lakas ng pagsigaw ng dalawa, napahanga at namangha na lang kaming lahat kung paano nila nakayang sumigaw nang ubod ng lakas na walang sound system. Sa sobrang lakas ng kanilang sigaw, lumabas ang ilang opisyal at security ng Comelec. Samantalang naroroon silang nanonood at nakikinig sa dalawang matatapang na aktibista, wala namang silang magawa kundi utusan ang pulis na pagsabihan kaming hawakan ang mga placard kung ayaw naming makumpiska ang mga ito. Sumunod naman kami, ngunit hindi tumigil sa matinding pagsigaw at pagbatikos ng dalawang matapang na mamamayan. “Buksan ang mga ballot boxes sa Santo Tomas Batangas!… “Hybrid elections, hindi electronic!” 


Paulit-ulit na sigaw ng dalawa. Napuno ang buong harapan ng Comelec, Manila Cathedral at ang malawak na bahagi ng Intramuros ng sigaw ng katotohanan at katarungan. Nakikinig kaya ang Comelec? Kung hindi man, hindi nila maiiwasang marinig at maramdaman ang dagundong ng katotohanan at katarungan.


Unti-unting humupa ang pagsigaw ng dalawang magigiting na mamamayan. Nag-usap-usap nang hanggang nagligpit at nag-alisan ang mga dumalo sa buwanang Last Friday Devotion sa harapan ng Comelec. 


Nasa 17 buwan na o isang taon at limang buwan na ang walang sawang pamamahayag ng mga mamamayang lumalaban sa katiwalian tuwing halalan. Totoong naririnig namin ang madalas na bukang bibig ng marami, “Wala namang bago! Lagi namang may dayaan tuwing halalan. Masanay na tayo! Ganyan talaga ang buhay dito sa ating bansa! Walang pagbabago! Walang pag-asa!”


Hindi natin dapat payagang maghari ang tinig ng mga nagmimistulang may-ari ng kapangyarihan at poder ng pamahalaan. Salamat sa sistema ng pulitika na sa kasawiang palad hindi nagbago maski na napaalis ang diktador at ang kanyang pamilya noong Pebrero 1986. Salamat sa Anti-Dynasty Bill sa Konstitusyon ng 1987, na sana’y naging batas ngunit sinikap at tiniyak ng dinastiya na manatiling panukala lamang.


Ngunit, mananatiling buhay at malinaw pa ring umuugong ang tinig ng isa sa mahalagang bahagi ng People Power Revolution noong Pebrero 1986. Kahit na matagal nang namaalam, sa kanyang kaarawan nitong Sabado, kailangang alalahanin, pasalamatan at hayaang muling mabuhay sa ating kamalayan, kalooban at paninindigan ang espiritu ni Jaime Cardinal Sin. Happy birthday, Cardinal Sin!

Bago nag-uwian ang mga dumalo sa Last Friday Devotion, nagpasya kaming dumalaw sa puntod ni Cardinal Sin. Nakagugulat sa iba’t ibang pahayag sa naging epekto ni Cardinal Sin sa buhay ng mga naroroon. Subalit, hindi makakalimutan ang naging ambag ng mabuting Cardinal sa buong bansa. Siya ang naging tinig na buhay na laging naririnig at nararamdaman. Inaabangan at inaasahan ng mga mamamayan.


Kinatatakutan at kinamumuhian niya ang mga tiwali at kalaban ng katotohanan at katarungan.


Sa pagtatapos ng aming dalaw sa puntod ni Cardinal Sin, nanalangin kami, “Mahal na Cardinal Sin, samahan ninyo kami sa panalangin at pagpupunyaging linisin, ayusin, tanggalin at wakasan ang maruming halalan bunga ng maruming pulitika na dulot ng lumalaganap at tumitibay na mga dinastiya. Salamat sa inyong halimbawa. Hindi kami titigil at tulad mo, buo at buhay ang aming tiwala sa Kanya, ang Diyos ng katotohanan, katarungan, kapayapaan at kalayaan. Amen.”







Recent Posts

See All

댓글


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page