Jaguar, nagpasaya sa PHILTOBO Cup
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |November 10, 2022
Pinasaya ni Jaguar ang mga dehadista nang manalo ito sa PHILRACOM - PHILTOBO Amb.
Antonio M. Lagdameo Juvenile Championship Cup na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas noong Linggo.
Nasilayan ng mga karerista ang ganda ng pagremate ng anak nina Dance City at Delta Gold na si Jaguar sa rektahan kaya naungusan nito ang nangungunang si Istulen Ola na siyang nagdomina ng unahan sa largahan hanggang sa huling kurbada.
Nakasabay ni Jaguar si La Trouppei sa rematehan subalit nanatili ang tikas ng una kaya nagwagi ito sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nirendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jessie B. Guce, inirehistro ni Jaguar ang tiyempong 1:41.2 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si JM Arroyo ang premyong P900,000. "Ang ganda ng bakbakan sa rektahan, si La Trouppei ang lakas din ng dating, magaling lang din dumiskarte si Jessie (Guce)," saad ni Juancho Reynante, veteran karerista.
Nasilo ni La Trouppei ang second prize na P300,000 habang tig-P150,000 at P75,000 ang third at fourth placers na sina Istulen Ola at Orange Bell ayon sa pagkakasunod. Ang nasabing event ay inisponsoran ng Manila Horse Power, (MHP) at ng PHILRACOM.





Comments