Jaguar masusubok uli sa Triple Crown
- BULGAR
- Apr 12, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | April 12, 2023
Makikilatis muli ang tikas ni Jaguar pagsalang nito sa magaganap na 2023 PHILRACOM Road to Triple Crown Stakes race na ilalarga sa darating na Linggo sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Gagabayan ni veteran jockey Fernando Raquel Jr. si Jaguar upang subukan ang husay din ng ibang katunggaling kabayo na nagsaad ng pagsali sa distansiyang 1,600 meter race.
Nominado sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ay sina Earli Boating, Easy Way, Going East, La Trouppei, Port Kennedy, Sartorial Elegance, Secretary, Sweetie Giselle at Winner Parade.
Ayon sa mga komento ng karerista, posibleng magbigay ng magandang laban kay Jaguar sina La Trouppei at Going East sa karerang may nakalaan na P1-M garantisadong premyo na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
Hahamigin ng mananalong kalahok ang P600,000, mapupunta sa 2nd placer ang P200,000, habang P100,000 sa tersero.
Kukubrahin naman ng 4th hanggang sixth ang tig- P50,000, P30,000 at P20,000 ayon sa pagkakahilera. Mag-uuwi rin ng P30,000 ang breeder ng winning horse habang tig-P30,000 at P20,000 ang second at third. Inaasahang naghahanda ng todo ang trainers at hinete upang masungkit ang inaasam na premyo.





Comments