Jaguar, maangas ang panalo sa 6th Farm Derby
- BULGAR
- Apr 5, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | April 5, 2023
Ipinakita ni Jaguar ang kanyang angas ng manalo sa 2023 6th Cool Summer Farm Derby na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas noong Linggo.
Nakipaglutsahan sa unahan si Jaguar kay Sartorial Elegance at pagkatapos ay kay Sky Story naman nakipagdikdikan ang winning horse.
Matinding labanan ang nasilayan ng mga karerista sa bakbakan nina Jaguar at Sky Story sa far turn pero papalapit ng huling kurbada ay lumalayo na ang anak nina Dance City at Delta Gold.
Pagdating ng rektahan ay nasa limang kabayo na ang lamang ng Jaguar sa mga kalaban.
Tinawid ng Jaguar ang meta ng may walong kabayong agawat sa pumangalawang Sartorial Elegance.
Inirehistro ng Jaguar ang tiyempong 1:40 minuto sa 1,600 meter race sapat upang angkinin ng winning horse owner na si Representative Juan Miguel "Mikey" Arroyo ang P720,000 premyo.
"Congratulations to the winners of the day's big events led by Henry Cojuangco Cup winner Shastaloo, Jaguar and Easy Does It. Also thank you to the racing fans who make racing the sport it is today," saad ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) chairman Reli De Leon.
Nasilo ng second placer na si Sartorial Elegance ang P270,000 habang P150,000 ang nakopo ni Sky Story sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Pumang-apat si Gintong Hari na sumungkit ng P60,000.





Comments