Jackson, Durant at Fox, bida sa Kings, Nets at Clippers
- BULGAR
- Nov 19, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 19, 2022

Tinapik papasok ni Royce O’Neale ang bola na may 0.7 segundo sa orasan upang makatakas ang bisitang Brooklyn Nets sa numero uno ng Western Conference Portland Trail Blazers, 109-107 sa NBA kahapon mula sa Moda Center. Patuloy din ang pagragasa ng Sacramento Kings at dumagdag ng isa pang panalo kontra sa San Antonio Spurs, 130-112.
Kinumpleto ni Jusuf Nurkic ng Blazers ang 3-point play galing sa foul ni Kevin Durant upang itabla ang iskor sa 107-107 at 6.5 segundong nalalabi. Sinubukan ni Durant na bumawi at tumira mula 21 talampakan at nagmintis – buti na lang at nandoon si O’Neale para maging bayani.
Nanguna sa Nets si Durant na may 35 puntos at sinuportahan ni Yuta Watanabe na may 20 puntos bilang reserba. Umakyat ang Nets sa 7-9 habang numero uno pa rin sa West ang Portland sa 10-5. Lima na ang mga panalo ng Kings para sa kartadang 8-6.

Humugot sila ng lakas mula kay De’Aaron Fox na may 28 puntos.
Samantala, bumalik sa paglalaro si All-Star Kawhi Leonard at nag-ambag ng 6 na puntos sa 96-91 tagumpay ng kanyang Los Angeles Clippers sa bisitang Detroit Pistons. Kahit hindi masyadong pumuntos, naramdaman ng Clippers ang presensya sa 24 minuto niya sa korte.
Huling hawak ng Detroit ang lamang, 76-75, sa buslo ni Killian Hayes. Bumomba ng 3-points si Paul George at sinundan ng dalawang free throw ni Leonard upang ibalik ang lamang sa Clippers at hindi na nila ito binitawan, 80-76, at 7:33 ang nalalabi.
Namuno sa Clippers si Reggie Jackson na may 26 puntos. Parehong may tig-16 puntos sina Paul George at Marcus Morris Sr. para umangat sa 9-7 at lalong itulak ang Pistons pababa sa 3-13 panalo-talo.




Comments