top of page

Iwas budol, madaling pagbabayad, at madaling proseso, e-driver’s license, dapat lang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | January 14, 2026



Boses by Ryan Sison


Mapapadali na ang galaw ng mga motorista at mababawasan ang abala sa kalsada, ayon sa Department of Transportation (DOTr), dahil sa patuloy na pagtutok ng gobyerno sa digital na serbisyo para sa taumbayan.


Ayon sa DOTr, maaari nang gamitin ng mga driver ang electronic o e-driver’s license bilang kapalit ng pisikal na lisensiya, kasabay ng kakayahang magbayad ng traffic violations online. Ito ay hakbang na direktang tumutugon sa pang-araw-araw na karanasan ng mga motorista na sawang-sawa na sa pila at paulit-ulit na proseso.


Sa ilalim ng Department Order No. 2023-015, inaatasan ang mga law enforcers ng Land Transportation Office (LTO) at kanilang deputized agents na tanggapin ang e-driver’s license bilang lehitimong patunay ng karapatan at kakayahang magmaneho. Ayon kay sa isang opisyal ng DOTr, sapat nang ipakita ang e-driver’s license sa pamamagitan ng Land Transportation Management System (LTMS) portal, o sa eGovPH Super App, basta may aktibong account ang may hawak ng lisensya.


Malaking tulong ito sa mga motorista dahil hindi na kailangan mangamba sa pagkumpiska ng lisensya kapag may paglabag sa trapiko. Sa halip, ang Temporary Operator’s Permit (TOP) ang magsisilbing batayan ng multa at parusa, na maaari ring bayaran online. Ibig sabihin, mas kaunting oras sa tanggapan, mas kaunting abala sa kalsada, at mas malinaw na proseso para sa lahat.


Ang e-driver’s license ay awtomatikong nakukuha kapag nag-apply o nag-renew ng lisensya sa LTMS portal. Isa itong patunay na unti-unti nang tinatanggap ng gobyerno ang digital na pamamaraan bilang bahagi ng serbisyong publiko. Hindi lamang ito tungkol sa teknolohiya, kundi pati na rin sa dignidad ng mga motorista. Kapag malinaw ang patakaran at mabilis ang proseso, nababawasan ang pagkakataon ng pang-aabuso at under-the-table na transaksyon.


Ang e-driver’s license at online payment ay hindi simpleng convenience; ito ay paalala na kayang magbago ng gobyerno kapag inuuna ang kapakanan ng mamamayan. Kapag maaasahan at patas ang serbisyo, mas nagiging maayos ang buhay ng mga mamamayan at mas maayos ang lipunan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page