IVY, KINASUHAN NA NG PINAY SINGER SA TATE, MAY MGA KASUNOD PANG DEMANDA
ni Julie Bonifacio @Winner | May 10, 2023

Nakakabilib ang energy ng Rock Diva na si Rozz Daniels sa ginanap na show niya sa Music Box na may titulong Rocks and Rozz Show noong Linggo.
Unang beses namin siyang napanood mag-perform and now we know kung bakit siya binansagang Rock Diva.
Super nag-enjoy kami sa Rock and Rozz Show dahil bukod kay Rozz, nag-perform din ang mga kaibigan at kapwa artists na kasama niyang mag-concert sa KUMU (isang streaming platform) sa pangunguna nina Irelyn Arana, Harold Evangelista, Jerome Sangalang and Derf Dwayne.
Dahil sa success ng Rocks and Rozz Show sa Music Box noong Linggo, nagpaplano na si Rozz ng susunod at mas malaking concert.
Prior to her show, nagkaroon muna ng isang intimate press conference si Rozz with the entertainment media. At doon ay natanong siya tungkol sa latest update sa kasong isinampa niya laban sa veteran singer na si Ivy Violan sa Wisconsin, USA.
"It's just a small claim money, civil law suit. For me, that's my starting point," lahad ni Rozz.
Kaya raw 'small claim' ang kasong isinampa ni Rozz ay dahil hindi na-fulfill ni Ivy ang pangako nitong ilalabas ang pitong kanta niya.
"I paid all the songs. You didn't produce the songs, so why not give back my money? And I'm sure na hindi mangyayari 'yun kung hindi ko dadalhin sa korte."
Hindi na raw niya isinama sa kanyang isinampa sa Wisconsin court na 'small claim' ang paghingi ng bayad sa mga damages, kundi ‘yung mga nagastos lang niya.
"Remember last time, I said na lahat ng bank statements? So, what I filed is what I paid to her and all my expenses to California for my travel.
"Uhm, sabi nga sa akin, 'Bakit hindi mo isinama ang mga damages?' Ang sabi ko, that's my next one. For me, it's one step at a time. Basta i-settle niya muna ‘yun and then, we'll go to the next (step).
"'Yun nga 'yung sinasabi nila, ni Blessie (Cirera, her manager and publicist) at si Irelyn about the libel, uh, kung sasampahan niya ako ng libel, I will counter that. At ang ika-counter ko, mas mabigat. Ay, nakahanap na ako ng abogado rito sa Pilipinas, me and Irelyn."
Inamin din ni Rozz na hindi pa siya sure kung ano ang magiging punishment kay Ivy if matalo ang veteran singer sa case.
"Pero siguro, una, hindi siya magiging US citizen. And uhm, I'm not sure. Marami na akong nakakausap. Pero, ayaw ko munang magsalita. Hindi ko pa masabi. Pero, malalaman naman ninyo kapag tapos na talaga. Kasi alam ko naman na curious kayo kung ano ang mangyayari."
Hindi rin sigurado si Rozz kung nasa US si Ivy ngayon. Pero, nu'ng nag-hearing daw sila sa US last March via Zoom meeting, hindi raw ito nagpakita.
Tumawag lang daw si Ivy at ang present lang sa nasabing Zoom meeting ay siya, 'yung judge at ang clerk.
Since she filed the case last December, 2022, hindi raw nag-reach out sa kanya si Ivy. But she got missed calls from her noong January, hindi lang daw nasagot ni Rozz.
Samantala, may ini-release raw na single niya si Ivy sa Viva nu'ng December, few days after niyang magsampa ng demanda. At pagkatapos noon ay may mga missed calls na raw na natanggap si Rozz galing kay Ivy.
"Kasi, na-file ko na sa korte. So, too late na. Sana, ginawa pa niya 'yun noon. Remember last time, nandito kami? Nagmamakaawa kami. Sana that time, sinagot niya 'yun. Uh, I think for three months, hindi siya sumagot. So, I decide to file a case. Saka kahit may ini-release na isang single last December, ang usapan namin ay seven songs, one album."
Pero, nilinaw ni Rozz na walang pananagutan ang Viva sa kanya.
"No... no. Hindi ko naman binanggit sa statement ko ang Viva. It's all about Ivy Violan."
Kung si Irelyn naman ang tatanungin, hindi siya magsasampa ng case against Ivy. Ayaw daw kasi niya ng gulo.
'Yung more than $200K na nakuha raw sa kanya ni Ivy ay inisip na lang niya na may binili siyang expensive bag sa US.
Pero, kung idedemanda raw siya ni Ivy, idedemanda rin niya pabalik ang beteranang singer.
Sey naman ni Rozz, "Kung ako, I don't care kung malaki-laki 'yung sa akin, 'no. Pero, naisip ko talaga noon na kalimutan na lang talaga. It's only money, 'no. Kalimutan na lang.
"Pero, nu'ng nakausap niya si Blessie na wala akong karapatan na magpasulat sa inyo, uh, masakit 'yun. Dapat hindi siya nagsasalita (nang ganoon).
"Kung hindi siya nagsalita noon, palalampasin ko na lang, eh. Pero, dahil napakataas niya at saka sinabi ni Irelyn sa akin na tinatakot siya ni Ivy Violan na, ano, parang untouchable raw siya (kaya ko itinuloy ang demanda)," pahayag pa ni Rozz.
Samantala, sa susunod na Linggo ay babalik na ulit sa US si Rozz. Hopefully, maibigay na sa kanya ang hustisyang hinahangad niya.





Comments