top of page
Search
  • BULGAR

Itutuloy ang laban para sa sambayanang Pilipino #SalamatPNoy

ni Leila De Lima - @Laban lang! | July 25, 2021



Buong bansa ang nagdalamhati sa pagpanaw ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III o PNoy. Walang tigil ang patak ng aking luha noong makarating ang malungkot na balita. Isa na namang mabuting lider ang maagang lumisan.


Hindi kami personal na magkakilala noon ni PNoy, kaya nagulat ako nang inalok niya ako na maging bahagi ng kanyang Gabinete. Tinanggap ko ang tungkulin na kanyang ipinagkatiwala bilang Kalihim ng Department of Justice dahil naniniwala ako sa malinis niyang hangarin: ang simulan ang reporma at iwan ang sitwasyon ng Pilipinas na “hindi hamak na mas maganda kaysa kanyang dinatnan.”


Sa mahigit limang taon na nakatrabaho ko si PNoy bilang miyembro ng kanyang Gabinete, doon ko siya higit na nakilala. Sobrang metikuloso niya pagdating sa mga numero. Dapat handa kami sa tuwing nagre-report sa kanya. Hindi dapat maglagay ng mga datos kung hindi sigurado kasi talagang pinag-aaralan at sinusuri niya ang mga detalye, lalo na sa usapin ng mga proyekto at Pambansang Budget.


Napakaraming accomplishment ni PNoy, mula sa pagpapaunlad ng ekonomiya hanggang sa pagpapatupad ng mga serbisyong panlipunan. Ang higit lang din na tumatak sa akin, bilang human rights advocate ay ang ibinuhos niyang dedikasyon sa pagsusulong ng batas para pangalagaan at payabungin ang karapatang-pantao.


Sa kanyang administrasyon, naisabatas ang Republic Act (RA) No. 10353 o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012, RA No. 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at RA No. 10368 o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013.


Sa termino rin ni PNoy nilagdaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA No. 9745 o Anti-Torture Law, na pinangunahan ko noon bilang Secretary of Justice at ni dating CHR Chairperson Etta Rosales.


Nariyan din ang RA No. 10630 o pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, RA No. 10766 o pag-extend sa Human Rights Victims Claims Board, at RA No. 10707 na pag-amyenda naman sa Probation Law.


Sa pamamagitan naman ng Administrative Order (A.O.) No. 35, na aking iminungkahi at isinulat, inimbestigahan ang mga kaso ng pamamaslang (EJKs) sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Ang AO ang naging batayan ngayon ng binuong panel ng DOJ sa pagsiyasat sa mga brutal na pagpatay na may kaugnayan sa drug war ng kasalukuyang rehimen.


Tutol din si PNoy sa pagbabalik ng death penalty dahil naniniwala siyang hindi ito epektibong paraan para sugpuin ang kriminalidad. Sa halip, isinulong niya ang maayos na pagpapatupad ng batas, epektibong prosecutorial service at isang malayang Hudikatura.


Isa rin sa pinakamahalagang tagumpay ng administrasyon ni PNoy ang pagratipika at pag-endorso sa Senado ng Rome Statute ng International Criminal Court (ICC) noong 2011. Patunay ito sa panata niyang palakasin ang pangangalaga sa karapatang-pantao at itaguyod ang pananagutan sa mga karumal-dumal na krimen, kasama ang tinatawag na “crimes against humanity”, na ngayon nga ay kinahaharap ng pangulo at ng iba pa dahil sa kanilang madugong War on Drugs.


Nitong Hunyo 30, ginunita natin ang ika-11 taon mula nang manumpa si PNoy bilang Pangulo ng Pilipinas. Bahagi ng kanyang inaugural address noon ay inatasan niya ako na pangunahan ang pagtataguyod ng tunay at ganap na hustisya para sa lahat.


Ang sabi niya: “There can be no reconciliation without justice… Secretary De Lima, you have your marching orders. Begin the process of providing true and complete justice for all.”

Isang karangalan na makapaglingkod kasama ka, Sir. At ang hamon at atas mo sa akin sa simula pa lang ay patuloy ko pa ring isinasapuso at ipinaglalaban. Miss ka na namin, at sigurado akong patuloy na mangungulila ang bansa sa iyong pagkawala.


Maraming, maraming salamat sa tiwala at gabay. Itutuloy namin ang laban para sa sambayanang Pilipino. #SalamatPNoy

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page