Isyu sa mental health dahil sa pandemic, nakakaalarma!
ni Ryan Sison - @Boses | October 26, 2021
Dahil sa pandemya na dala ng COVID-19, naungkat ang iba’t ibang isyu sa bansa.
Kabilang na ang kawalan ng maayos na health care system at kakulangan ng health workers.
Pero hindi lang ‘yan, kapansin-pansin ding marami sa ating mga kababayan ang hindi nakakayanan ang stress na dulot ng pandemya. Maraming dumaranas ng depresyon, lumalalang anxiety at ang masaklap, nauuwi pa sa suicide o pagpapakamatay.
Marahil, ito ay dahil sa kawalan ng kabuhayan, takot na mahawahan ng virus at iba pang dahilan.
Kaugnay nito, nais ni San Jose Del Monte City Representative Florida Robes na matutukan din ng pamahalaan ang isyu sa mental health sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag ng mambabatas, mas dumami ngayon ang insidente ng depression at suicide dahil sa pandemya at sa kabila ng problemang ito, 5% lamang ng budget ng Department of Health (DOH) ang inilaan para sa mental health programs.
Dahil dito, inihain niya ang House Bill No. 9980 na magtatatag ng mental health clinic sa San Jose Del Monte City sa Bulacan at kapag naisabatas, ito ang magiging kauna-unahan sa bansa.
Kabilang sa mga serbisyong ibibigay nito ay counseling at therapy, iba’t ibang psychiatric services at psychotherapy services sa mga pasyenteng may anxiety, trauma at depression.
Gayunman, pasado na ang panukala sa Kamara at hinihintay na lamang na maaprubahan ng Senado.
Alam nating hindi biro ang epekto ng pandemya sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. At bagama’t ginagawa ng pamahalaan ang kanilang makakaya upang matugunan ang mga ito, hiling natin na maisama rito ang mental health ng ating mga kababayan.
Noon pa man, marami nang nangangailangan ng tulong, at ngayong dumami pa ang mga ito, mahalagang maiparamdam natin sa bawat isa na may kasama sila sa laban na ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments