Istayl ng mga bar na ilegal ang operasyon, buking!
ni Ryan Sison - @Boses | July 30, 2021
Dahil sa iba’t ibang panganib na dala ng pandemya, maraming negosyo ang nagsara.
Partikular ang mga bar sa iba’t ibang lugar, ipinagbawal ang operasyon ng mga ito at ang tanging pinapayagang mag-operate ay ang mga restoran at hindi ang mga inuman.
Matatandaang, marami na ring negosyo ang nasampulan dahil sa paglabag sa iba’t ibang health protocols tulad ng curfew, mass gathering, hindi pagsusuot ng facemask ng mga guest at kabiguang masunod ang social distancing.
Gayunman, hindi nagpatinag ang ilang negosyo dahil kahit sinabing bawal, tuloy ang operasyon ng mga ito, partikular ang mga bar.
Sa Makati City, tinututukan ng lokal na pamahalaan ang mga bar dahil ayon sa mga awtoridad, ang istayl ng mga ito, nagpapanggap silang sarado pero pagpasok sa kanilang establisimyento ay nag-o-operate naman pala.
Kamakailan, nasa mahigit 20 bar ang kanilang naipasara dahil sa paglabag sa mass gathering at noong Sabado, isang bar na ilegal na nag-o-operate ang nabuking, kung saan 24 ang naaresto at 22 sa mga ito ay pawang Chinese.
Sa kabila ng mga paghihigpit, maraming bar owners ang nakiusap dahil malaki na umano ang kanilang nalugi.
Kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na may naipasarang establisimyento dahil sa paglabag sa health protocols, kaya sa totoo lang, nakadidismaya dahil parang wala tayong kadala-dala. Hindi tuloy natin alam kung marami sa kanila ang ‘no choice ba’ o pasaway lang talaga ang mga ito.
Utang na loob, nariyan pa rin ang virus at iba’t ibang variant pa, kaya tigilan na ang mga ganitong gawain dahil hindi ito nakatutulong, bagkus ay nagpapalala pa ng sitwasyon.
‘Ika nga, ‘wag pera-pera, tandaan na hindi dapat makompromiso ang kalusugan ng publiko sa panahong ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments