Iskor ni Chris Paul sa NBA, pinaka-pambihira
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 24, 2021

Patuloy ang dominasyon ng bisitang Phoenix Suns at giniba ang Los Angeles Lakers, 115-105, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Staples Center. Doble selebrasyon ito para sa beteranong gwardiya Chris Paul ng Suns na naging nag-iisang manlalaro sa 75 taon ng liga na nagtala ng 20,000 puntos at 10,000 assist.
Tinapos ni Paul ang makasaysayang laro na may 23 puntos at 14 assist habang 22 puntos si Devin Booker. Nangangapa pa rin ang Lakers sa ikalawang sunod na talo at wala ring naitalang tagumpay sa anim na laro sa Preseason kasama ang dalawa sa Suns.
Dalawang panalo na ang Utah Jazz matapos gumising sa 4th quarter at takasan ang Sacramento Kings, 110-101. Ibinalik ni Jordan Clarkson ang lamang sa Jazz sa tres matapos ang 3rd quarter, 81-80, at ginamit ito ng Utah upang tuluyang umarangkada at iligpit ang Kings.
Nanguna sa Jazz ang All-Stars na sina Donovan Mitchell na may 27 at Mike Conley at Rudy Gobert na may tig-17 puntos. Si Clarkson ay may 15 puntos. Bumawi ang Houston Rockets at naitala ang unang panalo, 124-91, sa bisitang Oklahoma City Thunder. Nag-ambag ng pito sa siyam na puntos si Fil-Am rookie Jalen Green sa 3rd quarter habang patuloy ang pagtuklas ng binatilyo na iba pang antas ng laro sa liga.
Siyam na puntos din ang ginawa ni Green sa unang opisyal na laro noong Huwebes na 106-124 pagkabigo sa Minnesota Timberwolves. Malayo ito sa mga numero ni Green na mahigit 20 puntos bawat laro noong Las Vegas Summer League at Preseason Games.
Samantala, bumuhos ng 13 sunod-sunod na puntos ang Brooklyn Nets upang itayo ang 111-108 na lamang na may 16 segundo sa orasan at kumapit para sa 114-109 panalo sa Philadelphia 76ers. Namuno sa atake ng Nets si Kevin Durant na may triple double na 29 puntos, 15 rebound at 12 assist at sinundan nina LaMarcus Aldridge sa 23 puntos at James Harden, 20 puntos.





Comments