top of page
Search
BULGAR

ISINUOT NI NORA SA TAWAG NG TANGHALAN, BINIBILI NI BOSS TOYO NG P5 M, UMAYAW PA

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Oct. 26, 2024



Photo: Nora Aunor - Boss Toyo Production


Labis na ikinagulat pero ikinatuwa ng Pinoy Pawnstar na si Boss Toyo ang pagdating ng Superstar at National Artist na si Nora Aunor sa kanyang puwesto. 


Buong pananabik na inasahan ni Boss Toyo na may ibebentang gamit si Nora, lalo na’t dala-dala nito ang damit na kanyang isinuot nang manalo siya sa Tawag ng Tanghalan (TNT) — isang gamit na itinago niya sa loob ng maraming taon. 


Ayon kay Boss Toyo, umabot sa P5 milyon ang halaga ng iconic na damit, ngunit nilinaw ni Nora na hindi ito ipinagbibili, na ikinadismaya ni Boss Toyo. Gusto sana niyang idagdag ang damit sa kanyang museo bilang parangal sa makasaysayang tagumpay ni Nora Aunor. 


Ngunit ang tunay na sadya ni Nora kay Boss Toyo ay humingi ng donasyon para sa mga nasalanta ng baha sa kanyang bayang Iriga City. Tiyak na tumulong si Boss Toyo sa kanyang fundraising. 


Ilan pa sa mga artistang nagbigay ng donasyon para sa mga binaha sa Bicol ay sina Sarah Geronimo at SB19.


 

AYON sa isang kilalang psychic, sa susunod na taon, 2025, darating ang “the one” sa buhay ni Kathryn Bernardo na kanyang mamahalin nang lubos. 


Sa ngayon, nasa proseso pa si Kathryn ng paghilom mula sa paghihiwalay nila ni Daniel Padilla. Hindi pa siya handang pumasok sa bagong relasyon dahil hindi pa siya ganap na nakaka-move on sa kanilang labing-isang taong relasyon. 


Inihayag din ng psychic na si Daniel ay nasangkot sa tatlong babae habang sila ay magkasintahan ni Kathryn — dalawang artista at isang non-showbiz na nasa ibang bansa — kaya nagpasya ang aktres na wakasan ang kanilang relasyon kahit masakit ito. 


Isa pang malaking hula para kay Kathryn Bernardo ngayong taon ay posible raw na may balak siyang habulin ang milyun-milyong halaga na ipinagkatiwala niya sa isang taong dating malapit sa kanya, na posibleng mauwi pa sa korte dahil idedemanda niya ang taong nanloko sa kanya.


 

MARAMING nagsasabing “blessing in disguise” para sa pamilya Yulo ang ginawa ni Carlos Yulo nang hindi man lang bumisita sa kanila pagbalik mula sa Paris Olympics. 

Nakatira ngayon si Carlos sa isang condo sa BGC kasama ang nobya niyang si Chloe San Jose, at hindi man lang nagbigay-pugay sa kanyang mga magulang, na naging dahilan para mapunta ang simpatya ng publiko sa pamilya Yulo. 


Dahil dito, maraming brands ang kumuha kay Angelica Yulo bilang endorser at isa na nga ang wellness clinic at spa. May mayayamang pamilya na nagpapasyal at nag-aanyaya sa kanya sa mamahaling mga restaurants, at maraming regalo ang dumarating sa kanilang pamilya. 


Natuwa naman si Ai Ai delas Alas kaya tumulong sa live selling ni Angelica, kung saan mabenta rin ang garlic longganisa na kanilang itinitinda. 


Sa kabila ng hindi pagpansin ni Carlos, tuloy pa rin ang buhay ng pamilya Yulo at masaya sila sa kanilang simpleng pamumuhay.


 

MAGIGING maningning at puno ng mga bituin ang 16th Star Awards for Music na gaganapin bukas, Oktubre 27, sa RCBC Auditorium sa Makati. 


Ang magsisilbing mga hosts ay sina Atasha Muhlach, Jameson Blake, Andre Paras at Heaven Peralejo. 


Bibigyan ng espesyal na parangal sina Gary Valenciano na tatanggap ng Pilita Corrales Lifetime Achievement Award, at Homer Flores na tatanggap ng Levi Celerio Lifetime Achievement Award.


Ilan sa mga inaabangang winners ay sina Vice Ganda, Kim Chiu, Ben & Ben, KZ Tandingan, Moira, Maymay Entrata, Donny Pangilinan, Belle Mariano, Lola Amour, at si Atasha Muhlach bilang New Female Recording Artist.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page