Isinama sa serye dahil Muslim… SEN. ROBIN, TODO-PASALAMAT SA ABS-CBN
- BULGAR

- 56 minutes ago
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Talkies | May 25, 2026

Photo: FB Robin Padilla
Todo-pasalamat ang aktor-pulitiko na si Sen. Robin Padilla sa pamunuan ng ABS-CBN at sa buong produksiyon ng seryeng Blood vs. Duty (BVD).
Saad ni Sen. Robin, “Allah hu akbar! (Ang Allah ay pinakadakila).
“Bilang tagapangulo ng komite ng Senado sa usapin ng Muslim affairs at mass media, ako’y nagpupugay. Pagpalain nawa ng Allah ang mga bumubuo sa likod ng Blood vs. Duty.
“Unang-una ay ang creative team at ang ABS-CBN. Ang tunay na mga katangian ng pananampalataya ng mga Muslim, gayundin ang kultura at tradisyon ng Bangsamoro ay inyong pinagyayaman sa kaalaman ng mga Pilipino. Maraming-maraming salamat po.”
Samantala, isinusulong din ni Sen. Robin ang Senate Bill No. 1958 na naglalayong gawing libre at bigyan ng lifetime validity ang PWD (Person with Disability) ID upang maalis ang gastos, abala, at pabalik-balik na pagre-renew.
Sa kasalukuyang sistema, kinakailangang i-renew ang ID kada limang taon.
Saad ni Sen. Robin sa kanyang post, “Ano nga ba ang saysay ng paulit-ulit na renewal ng PWD ID para sa mga may permanenteng kapansanan?
“Ito ang gustong baguhin ng Senate Bill No. 1958 na isinusulong ni Sen. Robin Padilla. Layunin nitong maibsan ang hirap ng ating mga kababayan mula sa dagdag-gastos, abala at pagod sa renewal.”
In fairness naman kay Sen. Robin Padilla, kahit abala siya sa kanyang serye ay priority pa rin niya ang trabaho sa Senado.
NAGING matagumpay ang pagdiriwang ng unang Nora Aunor Day noong May 21, 2026 sa Iriga City.
Ito ang bayang sinilangan ng yumaong Superstar Nora Aunor. Pinangunahan ng kanyang anak na si Ian De Leon ang nasabing okasyon katuwang ang lokal na pamahalaan.
Ayon sa kaibigan at tagahanga ni Guy na si Jen Donna Pergis Morera, naging masaya ang lahat ng mga Noranians na dumalo sa Iriga.
Sey niya, “Napakasaya at nakita po namin ang buong Iriga.
“Maraming Noranians ang pumunta noong unang gabi ng May 20. At sa Nora Aunor Day noong May 21 ay mas marami ang nakisali sa motorcade.
“Ang grupo po namin ay nag-extend ng isang araw para makapunta kami sa bahay at riles ng tren kung saan nagtinda ng tubig si Guy.
“Lahat ng grupo ng Noranians ay nagsidalo sa parada — ang NFF GANAP, Federation, Kabataan for Ate Guy, Solid, Noranian Visayas, Noranian Iriga, Solid Nora Tirso Forever, Alay kay Guy at ang Global Guy Cocoy Lovers and Friends.”
Sa panayam ay tinanong ni yours truly si Jen kung kumusta ang naging pagtrato ni Ian sa mga Noranians na pumunta sa Iriga.
Saad niya, “Mainit po ang pagtanggap n’ya sa lahat at ‘di rin kami pinabayaan.”
Samantala, ayon naman kay Marie Cusi, isang kaibigan at naging huling manager ni Guy, masaya rin ang mga Noranians na nag-alay ng dasal at bulaklak sa puntod ni Guy sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).
Sure si yours truly na masaya rin si Bok (Nora Aunor) sa heaven dahil masaya ang kanyang mga minamahal na Noranians.
TODO-TANONG ang aktor na si Nikko Natividad kung ano ang sikreto ng mga travel vlogger sa pagtitipid abroad, lalo’t mas mahal pa raw ang local travel.
Sey ni Nikko sa kanyang post, “Paano nagagawa ng mga travel vlogger na pumunta sa ibang bansa nang limang araw tapos ang total expenses nila ay P25K, P30K o P50K?
“Kasi kami, magpunta lang ng Baguio, nakaka-P50K na. Partida, three days and two nights lang ‘yun.”
Sa comment section ng post ni Nikko ay maraming netizens ang naka-relate.
Komento ng isa, “Mas mura naman talaga mag-travel sa ibang bansa lalo na kung Asia. Dito kasi, bawat galaw ay may bayad. Pati CR, parking at picture, may bayad. Tapos may mga entrance fee pa. Sa ibang bansa, kasama na ang tour, accommodation, breakfast at pati airfare.”
Well, basta sa bawat travel, enjoy-enjoy lang! Walang katumbas na halaga ang magandang experience.
Pak, ganern!
‘Yun lang, and I thank you.





Comments