top of page
Search
  • BULGAR

Iseserye sa 6 na lugar ang pagdaraos ng Trilogy Run Asia

ni Anthony Servinio @Sports | April 5, 2024




Lalarga ang mahigit 8,000 mananakbo sa pinaka-inaabangang Hoka Trilogy Run Asia ngayong Linggo sa Mall of Asia.  Mula pa noong 2010, taon-taon ay hinahamon nito ang mga kalahok na makumpleto ang lahat ng mga karera subalit may malaking pagbabago para sa 2024. 

 

Hindi na kailangang lumakbay papuntang Maynila at gaganapin na ang karera sa lahat ng sulok ng Pilipinas.  Napili ang mga lungsod ng Baguio, Cebu, Iloilo, Bacolod, Davao at Cagayan de Oro upang magsilbing mga punong-abala. 

 

Ang pinakamalayong distansiya para sa unang yugto ay 16 kms.  Magkakaroon din ng karera sa 10 at 5 km. 

 

Tataas sa 21 at 32 ang mga tampok na distansiya para sa pangalawang yugto sa Hunyo 2 at pangatlong yugto sa Agosto 4.  Kailangan lang tapusin ang tatlong yugto upang makapasok sa National Finals sa Dis. 8 sa MOA. 

 

Hiwalay ang mga petsa ng unang yugto sa mga lalawigan na magsisimula agad sa Abril 14 sa Cebu at susundan ng Baguio (Mayo 5), Cagayan de Oro (Mayo 12), Iloilo (Mayo 26) at Davao (Hunyo 16).  Ang kalendaryo ng ikalawa at pangatlong yugto sa mga lalawigan ay makikita sa trilogyrunasia.com.

 

Mag-uunahan ang lahat na magawaran ng tatlong medalya na maaaring idugtong upang makabuo ng isang malaking medalya.  Magkakaroon din ng mga hiwalay na kampeon ayon sa edad mula 20-24 hanggang 80 pataas. 

 

Ang mga ruta ay sinukat at sertipikado ng IAAF-AIMS at ang resulta ay maaring gamitin para makalahok sa mga malaking karera sa ibayong-dagat.  Upang makasiguro ng kalidad na karera, kumuha ang Runrio ng tulong mula sa mga lokal na organizer tulad ng Coco Running (Cebu), Without Limits ni Coach Ian Alacar (Baguio), Swim Bike Frunk (Iloilo at Bacolod), Kinetix Sports (Davao) at Circle Productions (Cagayan de Oro).  

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page