top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Isantabi na ang hidwaang iniwan ng kampanya

BULGAR
May 13, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 13, 2022


Hindi ko lubos maisip kung paano dapat simulan ang artikulong ito dahil nag-uumapaw sa akin ang labis na kasiyahan sapagkat muli ay naramdaman ko ang tiwala, suporta at pagmamahal ng ating mga kababayan hindi lamang nitong nagdaang eleksyon kundi maging sa katatapos pa lamang na Season 2 ng Agimat ng Agila.


Ipinaaabot ko ang aking taos-pusong pasasalamat sa buong bansa gayundin ang aking patuloy na pagsisikap na higit pang masuklian ang inyong pagmamahal sa mga Revilla.


Hayaan ninyong tukuyin ko ang bumabahang mga pahayag na ating natatanggap hinggil sa labis nilang tiwala sa Agimat Partylist na isa sa umani ng pinamakamaraming boto.


Malapit sa aking puso ang partylist na ito dahil higit sa isang dekada na itong naglilingkod sa ating mga kababayan at dahil sa inyong suporta ay mas lalawak pa ang maaabot ng mga pagsisikap nitong umagapay sa mga pamayanan at mamamayan.

Kaya nang ito’y maging isang partylist ay personal ko itong sinuportahan at makaaasa kayo ng aking gabay para lalong mas mapagbuti ng Agimat Partylist ang pagbibigay ng maayos na serbsiyo at makapagpasa ng mga batas na kailangang-kailangan ng sambayanan.


Sampu ng aking pamilya ay buong puso rin akong nagpapasalamat sa Lalawigan ng Cavite na minsan pa ay ipinakita ang labis nilang pagmamahal sa pamilya Revilla na wala naman ibang inisip kundi ang mapabuti ang kalagayan ng mga Kabitenyo.


Nais ko ring pasalamatan ang pamunuan ng Iglesia Ni Cristo (INC) dahil sa walang sawa nilang pagsuporta at patuloy na paniniwala na sa ating kapasidad bilang halal na opisyal ay makapaghahatid tayo ng maayos na serbisyo.


Hindi lamang INC, dahil napakarami ring samahan at malalaking organisasyon na hindi na natin iisa-isahin dahil napakarami nila na dapat nating handugan ng taos-pusong pasasalamat.


Kaya lamang ay hindi maiiwasan na sa tuwing dadaan ang halalan ay may naiiwang pilat sa pagitan ng mga magkakatunggaling kandidato ngunit nais ko lamang ipabatid sa lahat na ito ay bahagi lamang ng kampanya at hindi sinasadya.


Hindi rin maiaalis na pansamantalang magkaroon ng pagkakahati-hati sa mga opinyon ngunit ito ay buong-buo nating iginagalang at nais kong ipabatid na sa dulo ng lahat ng ito ay wala naman tayong ibang layunin kundi ang kabutihan ng bansa at ng Cavite.


Alam naman nating bukod sa ikalawa ang Cavite sa balwarte ng may pinakamalaking bilang ng mga botante sa bansa ay hindi rin maitatanggi na palagi tayong kasama sa areas of concern ng Philippine National Police (PNP) dahil sa init ng kampanya.


May mga sumubok mang gumawa ng kabalbalan ay agad naman silang napigilan, ipinagpapasalamat natin na sa kabuuan ay maituturing na payapa ang nagdaang halalan.


Labis ko itong ikinagagalak dahil sa aspetong ito ay ramdam na ang pagiging mature ng mga taga-Cavite na bagama’t may mga naranasang maliliit na bangayan sa pagitan ng mga supporters lalo na sa social media ay wala namang mas malala pang insidente na naiulat.


Sa mga kababayan ko na nahanay sa mga hindi pinalad na kandidato ay nauunawaan namin ang inyong nararamdaman ngunit mahirap mang sabihin na mag-move-on na, ngunit ito lamang talaga ang mga katagang puwede naming ibahagi sa ngayon.


Malinaw na malusog ang demokrasya sa Pilipinas liban lamang sa iilan na nais itong babuyin sa ngalan ng kung anumang interes, na tiyak naman tayong hindi mananaig. Sa unang pagkakataon sa ilalim ng Freedom Constitution, ay mukhang maghahalal tayo ng overwhelming majority president at majority vice president.


‘Yan ang dahilan kaya’t nasisiguro natin na sa paglipas lang ng ilang mga araw ay unti-unti na ring maghihilom ang pakiramdam ng mga kababayan nating nahanay sa panig ng mga natalong kandidato at sana ay unti-unti na tayong makabalik sa ating mga buhay at sama-sama na nating suportahan ang mga nahalal.


Huwag nating kalilimutan na mayroon lamang tayong iisang pamahalaan na kailangan nating sundin at ang eleksyon ay isang panahon lamang at kung hindi tayo magkakaisa ay sa kangkungan tayo lahat pupulutin.


Sa mga hindi pinalad ay mas makabubuting mas lalo pa ninyong pag-ibayuhin ang paggawa ng mabuti, lalo na sa pagbibigay serbisyo sa ating mga kababayan upang sa susunod na halalan ay kayo naman ang mabigyan ng pagkakataong manungkulan.


Alam naman nating wala namang permanente sa pulitika dahil ang kalaban mo ngayon ay posibleng kakampi mo bukas o ang kakampi mo ngayon ay kalaban mo bukas kaya marapat lang na isantabi na ang mga hidwaang naiwan ng nagdaang kampanya.


Marahil ay may ibang magsasabi na napakadali kasing sabihing iwaksi na ang mga hidwaan dulot ng kampanya ngunit sa katotohanan ay napakahirap nito ngunit wala naman akong ibang paraan para iparating sa inyong lahat ang sinsero kong nararamdaman.


Hindi naman ako nagmamadali, ngunit panalangin ko sa Panginoon ang maagang paghilom para magkasama-sama tayong muli tungo sa ikauunlad hindi lang ng Cavite kundi ng buong bansa.


Kung may iba pang kataga na maaari kong gamitin para pagsama-samahin ang lahat ng klase ng pasasalamat sa buong mundo ay siya kong gagamitin dahil sa patuloy ninyong suporta sa pamilya Revilla.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page