Isang panalo na lang sa Titans at Dolphins sa NAASCU
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 28, 2022

Isang tagumpay na lang ang kailangan ng Enderun Colleges Lady Titans at Philippine Christian University Dolphins upang makoronahan bilang reyna at hari ng 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Volleyball Tournaments for Women and Men ngayong Lunes sa Technological University of the Philippines-Taguig Gym.
Tiyak na gagawa ng paraan ang kanilang mga katunggali na TUP Lady Grayhawks at St. Clare College Saints na itabla ang hiwalay na seryeng best-of-three at magkaroon ng Game Three sa Miyerkules sa parehong palaruan.
Naglabas muli ng kanilang kalidad ang Enderun at winalis ang TUP sa Game One noong Biyernes, 25-16, 25-19 at 25-11. Papasok sa Game 2 ay perpekto pa rin ang Lady Titans at hindi sila namimigay ng kahit isang set sa kalaro sa loob ng limang laban o 15 set.
Napuno ng aksyon at drama ang Game 2 ng kalalakihan at umabot ng limang set bago tuluyang nakalusot ang PCU sa palaban sa Saints, 22-25, 25-16, 18-25, 25-20 at 18-16.
Isang puntos na lang ang kailangan ng Saints upang makuha ang ika-limang set, 16-15, subalit bumanat ng tatlong sunod-sunod ang Dolphins upang maagaw ang panalo at makauna sa serye.
Maliban sa Game Two ngayon ay gaganapin ang mga laban para sa ikatlong puwesto.
Bubuksan ang araw ng tapatan sa Men’s Division ng TUP at Our Lady of Fatima University Phoenix sa 8:00 ng umaga at susundan agad ng Lady Phoenix kontra Lady Saints ng Women’s Division sa 9:30 ng umaga.
Samantala, inilalatag ng NAASCU ang plano para sa isang maikling Beach Volleyball Tournament bago magwakas ang 2022. Inaasahan na magpapadala ng kinatawan ang mga lumahok sa Volleyball kasabay ng pagbabalik ng ilang mga paaralan na lumiban sa mga unang bahagi ng ika-20 taon ng liga.





Comments