top of page

Isang beses na pagliban, hindi maituturing na pag-abandona sa trabaho

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 23 hours ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 14, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Lumiban ako ng isang araw sa trabaho para asikasuhin ang isang mahalagang bagay. Kinabukasan, papasok na ako sa trabaho nang harangin ako ng guwardiya at sabihan ako na inabandona ko diumano ang aking trabaho. Diumano ay kailangang-kailangan ang mga trabahador noong araw na wala ako at dahil kulang ang mga tao ay nagresulta ito ng pagkaantala ng mga order ng kumpanya. Ang isang beses ba na pagliban ay maituturing na na pag-abandona sa trabaho? – Bosster



Dear Bosster,


Para sa iyong kaalaman, ang pag-abandona sa trabaho ay isa sa mga legal na dahilan ng employer para tanggalin sa trabaho ang isang empleyado. Ito ay maihahalintulad na malala at paulit-ulit na pagpapabaya (gross and habitual neglect) sa parte ng empleyado. 


Ang malala at paulit-ulit na pagpapabaya sa trabaho ay nakapaloob sa Artikulo 297 (b) ng Presidential Decree No. 442 o Labor Code of the Philippines, na naamyendahan at binago ang bilang: 


“An employer may terminate an employment for any of the following causes: xxx

(b) Gross and habitual neglect by the employee of his duties;”


Sa kasong Robustan, Inc. vs. Court of Appeals at Wagan, G.R. No. 223854, March 15, 2021, ang Korte Suprema ay nagsalita, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Mahistrado Marvic M.V. F. Leonen, ng:


“Abandonment is the deliberate and unjustified refusal of an employee to resume his employment. It is a form of neglect of duty, hence, a just cause for termination of employment by the employer. For a valid finding of abandonment, these two factors should be present: (1) the failure to report for work or absence without valid or justifiable reason; and (2) a clear intention to sever employer-employee relationship, with the second as the more determinative factor which is manifested by overt acts from which it may be deduced that the employees has [sic] no more intention to work. The intent to discontinue the employment must be shown by clear proof that it was deliberate and unjustified.

The burden to prove whether the employee abandoned [his] or her work rests on the employer. Thus, it is incumbent upon petitioner to prove the two (2) elements of abandonment. First, petitioner must provide evidence that respondent failed to report to work for an unjustifiable reason. Second, petitioner must prove respondent's overt acts showing a clear intention to sever his ties with petitioner as his employer”.


Nagpatuloy ang Korte Suprema at sinabi pa nitong:


“In cases where abandonment is the cause for termination of employment, two factors must concur: (1) there is a clear, deliberate and unjustified refusal to resume employment; and (2) a clear intention to sever the employer-employee relationship. The burden of proof that there was abandonment lies with the employer. xxx”


Ang isang beses lamang na pagliban sa trabaho ay hindi maituturing na malala at paulit-ulit na pagpapabaya sa trabaho. Para masabing inabandona ng isang empleyado ang kanyang trabaho, kinakailangan na mapatunayan ng employer ang mga sumusunod: una, klaro, sinasadya at hindi makatarungan ang pagtanggi ng empleyado na ipagpatuloy ang pagtatrabaho; at, pangalawa, malinaw ang intensyon ng empleyado na putulin ang ugnayan nila bilang employer at manggagawa. Sa iyong sitwasyon, wala ang mga nasabing elemento kaya walang pag-abandona sa trabaho at walang legal na basehan para ikaw ay tanggalin sa iyong trabaho. Samakatuwid, ang kawalan mo ng intensyon na abandonahin ang iyong trabaho ay napatunayan nang ikaw ay pumasok sa trabaho matapos mong lumiban ng isang araw.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page