Isa sa mga performers… COMEDY BAR NI VICE GANDA, GINAYA, IYAH MINA TODO-TALAK SA SOCMED
- BULGAR

- 10 hours ago
- 3 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 6, 2026

Photo: Iyah Mina - IG
Bilang isa sa mga performers ng Vice Comedy Club, ang stand-up comedienne at aktres na si Iyah Mina ay malaki ang malasakit sa pag-aari nilang negosyo ng TV host-actress na si Vice Ganda.
Kaya naman nang may magpadala sa kanya ng video na ginaya ang Vice Comedy Club, talagang tumalak siya sa kanyang Facebook (FB) account kamakailan para mabasa ng owner ng itinayong comedy bar sa Davao City.
Sey niya, “Okay lang naman magbukas ng comedy bar, may matutulungan tayong mga empleyado, pero ‘yung pinaghirapan ng mga taong nasa likod para mabuo lahat ng meron ang VICE Comedy Club, ‘wag ganu’n. VERY WRONG!!!!!!!
“Wow! Nag-ocular visit lang para makopya? Nooooooo! That’s wrong! Pati social media keme, nagawa n'yo! Galingggg!!! Ano pa? Pati mga jokes, gooooo!!!!”
May mga komento kaming nabasa na malayo naman daw ang Davao City sa Manila.
“Ang 8080 (bob*) ng mga comments, LOL (laugh out loud). Kesyo, ‘Nasa Davao naman, malayo naman.’ So? Since when naging valid excuse ang distance para sa pangongopya? Malayo man o magkatabi lang ang negosyo, a copycat is still a copycat.
“‘Di nababago ng kilometro ang originality. Mas lalo na kung pupunta ka pa sa original na negosyo para kumuha ng ideas, tapos halos pareho ang concept. Tawag d’yan ay inspiration kung may sariling twist at identity. Pero kung halos parehong concept ang ibebenta, ibang usapan na. Business is about innovation, not imitation.
“Distance doesn’t make copying any less obvious. Also, as a Bisaya, kauwaw ana, suon-suon mo ug concept. Please, pangita mo ug inyong originality (nakakahiya naman ‘yan, ginagaya ninyo ang concept. Pakiusap, humanap kayo ng sarili ninyong originality),” mahabang litanya ng isang netizen.
Ipinagtanggol naman ng isa pang netizen si Iyah Mina.
Sey nito, “May point naman si Iyah. ‘Di naman porke’t magkaibang lugar ay tama na ang pangongopya.”
Samantala, ipinost ni Wang Ising TV sa kanyang FB account ang video ng harapan ng comedy bar, kung ano ang design na gagawin, at sa loob ay ginaya nga ang Vice Comedy Club. Totoo ngang halos parehung-pareho, pati ang mahabang stage na lalakaran ng performers.
Sey ni Wang, “Magandang umaga sa inyong lahat. Ang video namin ay tungkol sa mga mesa, lalo na para sa mga unang VIP. Kami-kami lang ang nag-ayos at naglinis ng mga ito—ang pamilya ko, ang nanay ko, at ako dahil wala kaming perang ipambayad sa mga trabahador. Pinaghirapan talaga namin ang comedy bar sa Davao, at nagpapasalamat ako dahil puno na ang VIP section.”
Anyway, taong 2024 nang itayo ni Vice Ganda ang nasabing comedy bar para mabigyan ng trabaho ang mga kasamahan niya sa industriya na nawalan ng regular na pagkakakitaan dahil maraming comedy bars ang nagsara noong pandemya at ang iba ay hindi na nakabalik pa.
Ang regular na nakapuwesto sa Vice Comedy Club ay sina Petite, Donita Nose, Divine Tetay, Negi, Pepay, Makki, Jewel, Anton Diva, MC, Lassy, at Iyah Mina.
BLIND ITEM:
PURING-PURI ng mga taga-production ang kilalang aktres dahil dumarating ito isang oras bago ang call time at nakahanda na kung ano ang gagawin niya sa show.
Pagdating ng kilalang aktres sa set ay bumabati ito sa lahat saka didiretso sa dressing room, at doon na siya sisimulang i-make-up.
Kapag tinawag na ay tatayo agad at hindi katulad ng ibang artists na magbibilang pa ng kalahating oras bago tumayo dahil busy pang makipagtsikahan sa mga kasama o may kausap sa cellphone.
Madalas gawing laughingstock ang kilalang aktres ng kanyang mga kasama sa show dahil nakitang hindi siya pikon at ginagawa rin nitong biro ang mga mali niya, bagay na ikinatutuwa lalo ng mga kasama niya.
Oo naman dahil kung hindi type ang kilalang aktres ng pinaka-main host ng programa ay malamang tsugi na ito dahil hindi nito bet ang pikon at walang ambag sa show.
Isa rin kami sa mga nakakita ng tunay na ugali ng kilalang aktres off-camera, lalo na noong nagsisimula pa lang siya, na napaka-natural. Kung may pagbabago man siguro ngayon ay aware na siya sa mga taong alam niyang pinaplastik siya kaya umiiwas na.
Hindi man kami nakaranas ng pagiging generous niya tulad ng sinasabi ng mga taga-production at mga taong natulungan niya, hanga kami sa kanya dahil bukal ito sa loob niya at galing lahat sa pinaghirapan niya, at wala siyang hinihinging kapalit.
Kaya kung may mga taong hindi siya gusto, baka kasi misunderstood lang siya?





Comments