Full of energy talaga… GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | September 20, 2026

Photo: IG _garyvalenciano
Sa edad niyang 62, hindi pa magreretiro sa concert scene si Mr. Pure Energy Gary Valenciano. Sa kabila ng kanyang mga problema sa kalusugan, nagawa pa rin niyang mag-survive upang patuloy na magbigay ng saya sa kanyang libu-libong tagahanga.
Naging malaking problema ni Gary ang kanyang pagiging diabetic. Sumailalim din siya sa heart surgery at nagkaroon ng cancer. Pero ang lahat ng ito ay kanyang nalagpasan sa tulong ng dasal at matinding pananalig sa Diyos.
Wala pang plano si Gary V. na magpahinga at magretiro. Patuloy siyang kakanta at sasayaw para sa mga fans na nagmamahal sa kanya kaya tuloy ang 10-show concert niya sa Music Museum sa darating na Oktubre.
Ang Back At The Museum concert ay naka-schedule sa October 1, 3, 8, 10, 15, 17, 22, 24, 29 at 31.
Maging ang podcast niyang Unshaken With Gary V. ay mapapanood pa rin tuwing Lunes.
Well, sa kabila ng kanyang sakit at edad, hindi pa rin nauubos ang energy ng isang Gary Valenciano.
BEA AT VINCENT, SWAK BILANG PRODUCERS
Nasa ikatlong taon na ngayon ang Puregold CinePanalo Film Festival (CPFF), at ito ay pinamamahalaan ng interim manager ni Bea Alonzo na si Chris Cahilig. Major sponsor ng CPFF ang Puregold.
Marami ang lumahok sa nasabing festival sa taong ito. Nineteen short films na gawa ng mga estudyante ng iba’t ibang unibersidad na hinati sa apat na sets.
Pito naman ang full-length movie entries. Pasok ang Apol of My Ai na ang bida ay sina Rochelle Pangilinan at Zanjoe Marudo, kasama ang child actor na si Zion Cruz.
Kasama rin ang Wantawsan na pinagbibidahan nina Joross Gamboa at Rita Daniela.
Sa pelikulang Patay Gutom naman, bida sina Khalil Ramos, Agot Isidro at Cris Villanueva.
Nand'yan din ang Beast na bida si John Arcilla; Mono No Aware nina Juan Karlos Labajo at Perry Dizon; Multwoh (Patay Na Patay Sa ‘Yo) nina Sassa Gurl at Joao Constancia; at Stuck on You nina Xyriel Manabat at River Joseph.
Sa taong ito ay magaganda ang entries at malaki ang chance na pumasa sa filmfest abroad. Ang kulang lang ay mapansin sila ng mga streaming platforms tulad ng Netflix at Prime Video.
Samantala, may ilang netizens naman ang nagsasabing puwedeng gawing negosyo nina Bea Alonzo at Vincent Co ang pagpo-produce ng pelikula. Tutal, matagal nang artista si Bea at alam na niya ang kalakaran sa showbiz.
Ganunpaman, nilinaw ni Chris na sarili niyang idea ang pagbuo sa CPFF at ang Puregold ang sumuporta sa kanya upang matupad ang mga projects na makakatulong sa mga estudyante, baguhang producer at director.
NAGTATANONG ang mga fans ni Rhian Ramos kung ano ang project na ibibigay ng GMA Network sa kanya. Matagal na kasi siyang nabakante pagkatapos ng Sang’gre.
Ang tsika ng isang insider ng GMA-7, may project na inihahanda ang network para sa aktres.
For the meantime, guestings muna ang kanyang exposure. Mapapanood si Rhian ngayon sa top-rated gag show na Bubble Gang (BG). Well, sanay naman siya na makatrabaho ang cast kaya hindi na siya mag-a-adjust. Kalog din naman siya at game sa comedy.
Samantala, may bagong parody na inihanda si Michael V. na ihahandog nila sa mga viewers ng BG. Tiyak na may hugot at patama na naman siya tungkol sa mga kaganapan ngayon sa ating lipunan.
Ang maganda, patuloy ang paghahatid ng Bubble Gang ng mga nakakaaliw na episodes. Swak na swak kasi si Chariz Solomon bilang kabatuhan ni Michael V. sa mga skits na kanilang ginagawa. Gamay na gamay na nila ang isa’t isa.
MAY ilang Kapuso actors na muling pinapirma ng kontrata ng GMA Network, kaya nakakasiguro na silang may mga shows na gagawin sa mga susunod pang taon.
Ang mga aktor na ito na mananatiling Kapuso ay sina Ruru Madrid, Rayver Cruz, Miguel Tanfelix at Jak Roberto.
Si Ruru ay bibida sa action series na Hari ng Tondo, kasama si Dennis Trillo. Isa siya sa pambatong aktor ng network at puwede sa kahit na anong role. Hindi siya nakatali sa love team nila ni Bianca Umali.
Maging si Rayver ay muli ring pumirma ng kontrata. Maasahan ito, hindi lang sa pag-arte kundi maging sa pagho-host, pagkanta at pagsasayaw. Swak ang tandem nila ni Julie Anne San Jose sa mga talent search shows.
Samantala, si Miguel na dati ay sa drama lang sumasabak, ngayon ay binigyan ng mature role sa Taskforce Firewall. Pang-action star na ang porma ng aktor.
Si Jak naman, handa na ring mag-lead role dahil malakas din ang dating.





Comments