Isa ring pandemya ang pulitika
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 24, 2021
Minura ang Papa at Diyos, tinawag na “estupido”, pinabayaang patayin ang mga pari (Paez, Ventura at Nilo); hinimok ang kapulisan na patayin ang mga sangkot sa ilegal na droga, lalo na kung “nanlaban”; pinabayaan ding patayin ang napakaraming abogado at hurado; pinabayaang makasuhan ang mga inosente; nangakong ipagtatanggol ang soberanya ng Pilipinas at magdye-jetski pa sa West Philippine Sea, pero hindi tinupad; sa kabila ng kapalpakan ng mga namumuno sa anti-COVID response, patuloy pa ring ipinagtatanggol ang mga ito at walang takot na inilalagay tayo sa alanganin ng “Constitutional Crisis” sa kanyang pagbabawal sa mga miyembro ng kanyang gabinete na dumalo sa anumang Senate Hearing, atbp. Marami pang problemang maaaring idagdag, ngunit sapat na munang tingnan natin ang mga itinala rito at itanong kung natutulungan bang tumalas o pumurol ng mga nabanggit na problema ang ating pakiramdam?
May pakiramdam pa ba tayo o namanhid na sa dami ng problemang dinanas sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon?
Sa gitna ng problemang dulot ng pandemya, iginigiit ng mga miyembro ng pandaigdigang pamayanan ng mga eksperto sa Agham (International Scientific Community) na kailangang pansinin at pakiramdaman natin ang lumalalang kalagayan ng kalikasan na matagal nang painit-init nang painit-init dahil sa pakawalang paggamit ng maruming enerhiya na pinagmumulan ng pagtaas ng “carbon emissions.”
At heto na ang ebidensiyang sa halip na mabawasan at masupil ang paggamit ng maruming enerhiya: ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina. Kailangan nating kumilos at kumita para mabuhay. Kailangan nating mamasada, mag-deliver, maghakot at maghatid. Hindi maiiwasan ang paggamit ng lahat ng uri ng sasakyan. At malinaw ang pilit na pagbalik sa “dating normal”, ang lumalalang trapik sa halos lahat ng daan: EDSA; Avenida; Quezon Boulevard; Roxas Boulevard; C-3, 3 hanggang 5 etc. road; salamat na lang at meron ng mga bagong fly-over papuntang Norte at Sud. Ngunit hindi dapat tayo manood lang at matuwa sa pawang pagbalik sa “dating normal”, samantalang hindi pa talaga nawawala at lubusang “nagagamot” ang pandemya.
Nababahala ang maraming doktor sa panukalang-payagan na ang pagbubukas ng mga sinehan dahil ibinaba na ang Alert Level mula 4 hanggang 3, at 2 sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.
Hindi pa tayo ligtas dahil hindi pa naaabot ang kritikal na bilang ng populasyon na nababakunahan. Bagama’t 53, 823, 248 doses na ng COVID vaccines ang naibigay na nangangahulugang 24.9% na ng ating populasyon ang nabakunahan, malayo pa ito sa tinatawag na kalagayan ng “herd immunity”. Hindi ba dapat dahan-dahan tayong bumalik sa naturang normal at dapat lang na wala tayong ilusyon na maibabalik ang “dating normal”. Hindi pa nagagamot ang maraming sakit ng lipunan, tila sa sobrang pagtutok natin sa pandemya, nakalimutan na natin ang isang katerbang problema na naririto na, nadagdagan pa at marami pang lumala at kumalat pa tulad ng pandemya.
Dahil sa lubhang takot sa COVID-19, tila marami ang hindi napansin ang lubhang nakakagalit na isyu ng korupsiyon ng Pharmally na patuloy na tinatalakay ng Senate Blue Ribbon Committee.
Maraming nagsasabing isa ring pandemya ang ating pulitika, ngunit meron pang higit na nakababahalang pandemya kaysa rito. Nakababahala ang pandemya ng kamanhiran — ng kawalang pakiramdam at pakialam. Nararamdaman natin ito sa ating pag-iikot at pagtatakbo.





Comments