top of page

Isa raw sa sindikato sa EB! kaya siya natanggal… ANJO: JOSE, NAPAKAWALANGHIYANG TAO

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | November 12, 2025



Anjo Yllana at Jose Manalo

Photo: Anjo Yllana at Jose Manalo / FB-IG



Nagtatanong-nagtataka ang marami kung saan ba nanggagaling ang galit at hinanakit ng komedyanteng si Anjo Yllana para ilaglag at sirain in public ang mga dating kasamahan at kaibigan sa Eat… Bulaga!, ang noontime show na minsan ding bumuhay sa kanyang pamilya.


Matapos ngang maging headline at mag-trending ang ibinulgar ni Anjo na may kabit diumano si Senate Pres. Tito Sotto simula nu’ng 2013 pa, na binawi rin naman niya later on at sinabing bluff lang ‘yun, ang kapwa-komedyante namang si Jose Manalo ang binanatan niya.


Sa kanyang latest Tiktok video, durog na durog si Jose sa mga banat ni Anjo na ibinulgar ngang “Isa sa pinakamasamang ugali d’yan sa Eat… Bulaga! si Jose Manalo. Opo, ‘pag wala si Bossing (Vic Sotto) diyan, napakayabang niyang taong ‘yan. Ilang beses ko nang gustong sapakin ‘yan, eh!”


Kasunod ngang ibinulgar ni Anjo ang diumano’y atraso raw sa kanya ni Jose nang ‘ahasin’ nito ang dating ka-live-in niyang si Mergene Maranan na dancer noon sa Eat… Bulaga!.


Siniraan daw siya ni Jose kay Mergene dahil sinabihan nito ang dati niyang girlfriend na hiwalayan siya dahil may asawa pa siya kahit hiwalay na sila noon ni Jacqui Manzano. Ang ending, asawa na ngayon ni Jose si Mergene.


Dagdag pang banat ni Anjo, “Si Jose, napakawalanghiyang tao niyan. Isa ‘yan sa mga sindikato na bumubulong kung sino ang sisiraan at tatanggalin (sa EB!). At ako, malamang, tinrabaho niyan. Siniraan ako nang siniraan. Bakit? Di hamak naman na may hitsura naman ako kesa sa kanya.”


Ani pa ni Anjo, masama ang ugali ni Jose kaya wala raw itong makatrabaho sa labas ng Eat… Bulaga!.


Inaabangan na ngayon ang resbak ni Jose Manalo sa mga banat ni Anjo.

Pero kung sasabihin uli ni Anjo na “It’s a prank!”, dapat pa bang patulan ang pag-iingay at pagpapapansin ngayon ng komedyante?



Oks na sa 2 anak… 

RODJUN, ‘DI NA FEEL BUNTISIN ULI SI DIANNE





SALUDO kami sa pagiging responsableng asawa at ama ng aktor-dancer na si Rodjun Cruz, ang kuya ni Rayver Cruz at asawa ni Dianne Medina.


Ini-launch si Rodjun last Friday night bilang newest ambassador ng Purple Hearts, kung saan nakakagulat din na isang 9-year-old lang na bata ang CEO nito, si Kryzl Jorge. 


Sa panayam kay Rodjun, inamin nitong gusto pa sana niyang sundan ang dalawang anak nila ni Dianne, pero dahil iniisip niya ang health ng kanyang misis, okay na raw sila sa 1 boy (Joaquin) and 1 girl (Isabella).


Good provider din si Rodjun na hindi man maituturing na A-list star, napakasipag naman kaya hindi rin nawawalan ng trabaho at mga raket.


Kamakailan nga lang ay nag-champion sila ng partner na si Dasuri Choi sa Stars on The Floor ng GMA-7, at ngayon nga, may bago siyang endorsement na tamang-tama dahil may mga bagets silang anak ni Dianne na puwede rin niyang painumin ng Purple Hearts products na may ipinakilalang tatlong bagong vitamins: ang Mighty Boost para sa muscles and bones, Immuni Boost na nagpapalakas ng immune system at ang Smarty Boost, para sa mood enhancement at memory uplift.


Kuwento ni Rodjun, nagamit niya ang Purple Hearts nu’ng lumaban siya sa SOTF dance competition ng GMA.


Samantala, bilib na bilib si Rodjun kay Kryzl Jorge dahil at her very young age of 9, CEO na nga ito ng sariling negosyong Purple Hearts.


Ipinakilala si Kryzl bilang “Little CEO” at itinuturing na isa sa youngest owner ng isang kumpanya sa Pilipinas. Siya ay anak ni Liezel Jorge, ang chairwoman ng Kryzl Group of Companies.


Layunin ni Kryzl kaya itinayo ang Purple Hearts para tulungan ang mga batang hirap pakainin ng gulay at prutas.


Bukod sa launching ni Rodjun, 9th birthday din ni Kryzl Jorge nu’ng araw na ‘yun kaya “Purple or Treat Costume Party and Product Launch” ang itinawag nila sa event na ginanap sa Le Reve Events Place sa QC.


Ipinagdiwang ni Kryzl ang kanyang 9th birthday with the launching also of her debut single as a singer, ang Birthday Love, na tumulong din siya mismo para sulatin ang kanta.


Ibinalita rin ng pamilya ni Kryzl ang ginagawa nilang charity activities na isa sa mga advocacy ng kanilang kumpanya. 


Siyam na charity organizations ang kanilang tinulungan nitong mga nagdaang araw kasabay din ng launching ng kanilang Purple Hearts Foundation, a non-profit organization na tumutugon sa childhood malnutrition and micronutrient deficiency.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page