top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Isa pang bakuna kontra-bagong virus

BULGAR
Apr 20, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 20, 2022


Hindi na babalik kahit kailan ang COVID-19 sa bansa dahil dumaan lamang umano ito – ito ang lumalakas na paniniwala ng mga kababayan nating hanggang sa kasalukuyan ay ayaw pa ring magpaturok ng bakuna laban sa naturang virus.


Lalo pang tumibay ang kanilang paniniwala na hindi naman kailangan ang bakuna laban sa COVID-19 dahil hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin umano silang buhay at hindi naman nahawa basta’t sumunod lamang sa umiiral na health protocol.


Ngunit taliwas ito sa babalang inilalabas ng World Health Organization (WHO) na bagama’t nasa mababang alert level na ang bansa ay mariin pa rin tayong pinaghahanda sa posibleng muling pagsirit ng kaso ng COVID-19 dahil sa malala pa ring sitwasyon ng maraming bansa na nakapaligid sa atin.


Dahil dito ay iminungkahi ng grupo ng mga negosyante ang pagpapairal ng mobility restrictions sa mga indibidwal na hindi pa nakapagpapaturok ng booster dose laban sa COVID-19 upang maramdaman pa rin umano ng ating mga kababayan ang kahalagahan ng bakuna.


Bukod kasi sa pagsusuot ng face mask na hanggang ngayon ay hindi pa rin binibitawan ng pamahalaan ang pagpapatupad ay tila binigyang kaluwagan na ang lahat na naging dahilan para tuluyan nang balewalain pa ng ilan sa ating mga kababayan ang hindi pa rin umaalis na banta ng COVID-19.


Kaugnay nito ay labis na nakararamdam ng pangamba ang grupo ng mga negosyante na dahil sa pagbalewala ng marami nating kababayan sa banta ng COVID-19 ay muli tayong magbalik sa lockdown na ang pangunahing apektado ay ang sektor ng mga negosyante na nag-uumpisa pa lamang bumawi.


Sabagay may punto rin naman ang mga negosyante dahil sa gitna ng nagbabadyang pagkasayang ng may 27 milyong vaccine doses na mapapaso na sa Hulyo ay hindi pa rin maitaas ng pamahalaan ang bilang ng mga nais magpabakuna.


Tila napako na tayo sa kasalukuyang bilang ng mga naturukan ng bakuna at maging ang mga naturukan na ng una at ikalawang shot ay tila tumaas din ang bilang ng mga ayaw nang magpaturok ng booster shot na karagdagang suliranin na naman sa panig ng pamahalaan.


Nawala na kasi ang init ng pagtuturok ng bakuna at maraming mga vaccination center sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang kung hindi man madalang ang nagpapabakuna ay talagang wala na at nagkukuwentuhan na lamang ang mga health worker.


Kaya kung wala rin lang naiisip na mas epektibong paraan ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para palakasin pa ang kampanya laban sa COVID-19 ay makabubuting pakinggan natin ang suhestiyon ng mga negosyante.


May mga nagbibigay pa nga ng kung anu-anong insentibo para lamang sa mga nagpaturok na ng booster shot pero sa kabila nito ay bigo pa rin ang pamahalaan na maengganyo ang lahat na magpaturok nito kabilang na ang nagpaturok na ng una at ikalawang bakuna.


Bukod sa kaligtasan na malinaw na naintindihan ng mga nagpaturok ng booster shot ay marapat lang na bigyan sila ng bentahe sa kanilang mga paggalaw upang maisip ng mga ayaw magpabakuna ang kahalagahan nito kung lilimitahan ang mga lugar na maaari nilang puntahan.


Ang panukalang ito ng mga negosyante ay sinang-ayunan naman mismo ng pamunuan ng Philippine College of Physician at isa umano itong epektibong paraan para labanan ang pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa mabuting dulot ng bakuna.


Alam din naman natin ang pagsisikap ng Department of Health (DOH) para isulong sa Kongreso at sa mismong tanggaan ng Pangulo na gawing mandatory ang pagbabakuna ngunit hindi ako naniniwala na mangyayari ang kagustuhang ito ng DOH.


Sa tindi kasi ng pinagdaanan ng ating mga kababayan para labanan ang pandemya ay tila hindi na natitinag ang ilan sa ating mga kababayan kahit tukoy na ang bagong COVID-19 Omicron XE na umano’y sampung beses na mas malakas na nakahahawa kumpara sa mga naunang variants.


Huwag naman sanang mangyari na muling sumirit ang kaso ng COVID-19 dahil ang tiyak na unang gagawin ng pamahalaan ay ang pagtataas na naman ng alert level, kabi-kabilang lockdown at travel restriction para kahit paano ay maampat ang sitwasyon.


Hindi naman sa hindi mahalaga ang mga hakbanging ito ng pamahalaan ngunit higit na mahalaga na bigyang proteksiyon ang bawat isa sa pamamagitan ng pagtuturok ng bakuna laban sa COVID-19 kumpara sa paglalagay ng mga restriction sa mga border.


Kaya nga may mga rekomendasyon mula din sa IATF na kung maaari ay lagyan ng expiration date ang vaccination card upang ang mga indibidwal na paso na ang bakuna ay sila na mismo ang magkusa para magtungo sa mga vaccination site at hindi na maghihintay sa panawagan ng pamahalaan.


Dahil sa kaluwagang tinatamasa ng bansa sa kasalukuyan ay hindi maiiwasang magdatingan ang mga turista, magsiksikan sa mga rally ngayong nalalapit na ang halalan kaya wala tayong paraang magagawa sakaling pumasok na ang bagong COVID-19 Omicron XE.


Pero sa halip na paghandaan natin ang pagdating ng bagong virus ay mas ihanda natin ang ating sarili para hindi tayo mahawa at walang ibang solusyon maliban sa bakuna, isa pang bakuna at bakuna pa!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page