Isa na lang sa Suns, para makapasok sa final
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 28, 2021

Kumapit ng husto ang bisitang Phoenix Suns sa buong 4th quarter upang maitakas ang 84-80 panalo sa Los Angeles Clippers sa Game 4 ng Eastern Conference Finals sa pagpapatuloy ng 2021 NBA Playoffs kahapon sa Staples Center. Limang free throw ni Chris Paul sa huling 7 segundo ang naging susi upang umakyat ang Suns sa 3-1 sa serye, isang tagumpay na lang ang kailangan para makapasok sa NBA Finals sa unang pagkakataon buhat noong 1993.
Lamang ng buong 48 minuto ang Phoenix at umabot pa ito ng 16 puntos sa simula ng 3rd quarter, 52-36, subalit pumalag ang Clippers at ginawang 1 puntos ang agwat, 65-66. Hanggang doon na lang at hindi nagawang maitabla ng Clippers ang iskor.
Huling nagbanta si Paul George sa dalawang free throw, 78-79, at 13 segundo sa orasan subalit sinagot ito ni Paul ng dalawang free throw upang makahinga ang Phoenix, 81-78. Biglang tumiklop si George at nagmintis ng tatlo sa apat niyang free throw habang matatag si Paul at nagdagdag ng tatlo pang free throw para tapusin ang laro.
Talagang maaasahan ang pagiging beterano ni Paul na nagtapos na may pito ng kanyang 18 puntos sa 4th quarter. Itinayo ng Phoenix ang mga malaking lamang sa likod nina Devin Booker na may 25 puntos at Deandre Ayton na may 19 puntos at 22 rebound at maghahanda na sila para tapusin ang serye sa Game 5 ngayong Martes sa Phoenix Suns Arena.
Nanguna muli si George sa Clippers na may 23 puntos subalit malaking bagay ang anim na mintis na free throw sa dikitang laban. Sumunod si Reggie Jackson na may 20 puntos habang double-double si Ivica Zubac na 13 puntos at 14 rebound.
Lilipat ang umiinit na aksyon sa Eastern Conference Finals ngayong araw sa State Farm Arena sa pagdalaw ng Milwaukee Bucks sa Atlanta Hawks simula 8:30 ng umaga. Walang awa ang Bucks sa kanilang 125-91 tambak sa Hawks noong Game 2 at nais nilang dalhin ito sa Game 3 upang makamit ang 2-1 na lamang sa seryeng best of seven.





Comments