top of page
Search
  • BULGAR

Isa na lang sa Nuggets, patatalsikin na ang Lakers

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 26, 2024




Isang panalo na lang ang kailangan ng World Champion Denver Nuggets para walisin ang Los Angeles Lakers sa 2024 NBA Playoffs. Tinalo nila ang Lakers, 112-105, kahapon sa Crypto.com Arena para sa 3-0 bentahe sa seryeng best-of-seven.

Ginanahan ang Lakers na nakalaro na sila muli sa tahanan matapos mabigo sa unang dalawang laro sa Ball Arena. Ipinakita ng Nuggets bakit sila ang kampeon at umarangkada sa third quarter sa likod nina Aaron Gordon at Jamal Murray para sa 83-75 lamang na hindi na nila binitawan.

Sina Nikola Jokic at Michael Porter Jr. ang naghatid ng mga paniguradong puntos hanggang itayo nila ang 93-81 lamang sa dunk ni Porter. Nagtapos na may 29 at 15 rebound si Gordon habang kinulang ng isang assist si Jokic para sana sa triple double na 24 at 15 rebound

Sa Eastern Conference, nakaiwas mabaon sa 3-0 ang Orlando Magic at Philadelphia 76ers at parehong rumehistro ng mahalagang tagumpay sa kanilang hiwalay na serye. Nagsabog ng 50 si MVP Joel Embiid para buhatin ang 76ers kontra New York Knicks, 125-114, habang sumandal ang Magic kay Paolo Banchero para sa 121-83 tambakan sa Cleveland Cavaliers.

Nakuha ng Knicks ang first half, 58-55, subalit ibang Philadelphia ang lumabas para sa second half at walang mintis sa limang three-points si Embiid para sa 33 ng kanyang 50. Ang kanyang huling tres ang nag-akyat sa 111-96 ang agwat at 6:27 ang nalalabi.

Hindi pa tapos si Embiid at ipinasok ang siyam sa huling 14 ng koponan. Sumuporta ang bagong hirang na Most Improved Player Tyrese Maxey na may 25.

Mahirap mapigilan si Banchero na nagtala ng 31 at 14 rebound sa loob ng 29 minuto lang. Maagang sumuko ang Cavs at pinabayaang umarangkada ang Magic sa 112-69 lamang papasok sa huling apat na minuto.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page