Isa na lang sa Generals champ na sa NBL-Pilipinas
- BULGAR
- Mar 8, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | March 8, 2024

Laro sa Marso 13 – Fuerte Sports Complex
6:30 p.m. Taguig vs. Cam Sur
Isang panalo na lang ang kailangan ng Taguig Generals upang mawalis ang Cam Sur Express matapos ang 91-85 tagumpay sa Game 2 ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup Finals Miyerkules ng gabi sa siksikang Duenas Gym sa Signal Village. Maghahanda na ang lahat para sa Game 3 ngayong Marso 13 sa Fuerte Cam Sur Sports Complex.
Kagaya ng Game 1 noong Marso 3 na nagtapos sa 88-81 pabor sa Generals, mahigpitan ang laban bago tuluyang kumalas ang Taguig sa last quarter. Bumira ng tres si Kyle Philip Domagtoy na may 42 segundo sa orasan at lumapit ng isa ang Express, 85-86.
Nagmintis ng dalawang free throw si Mike Jefferson Sampurna at bumalik ang bola sa Cam Sur. Hindi pumasok ang malapitang tira ni Fredson Hermonio at ibinato ang bola sa tumatakbong si Sampurna para lalong lumayo, 88-85.
Sinikap ni Joshua Ayo na itabla ang laro subalit nanaig ang depensa at napilitang patirahin ng free throw si Dan Anthony Natividad na may 12 segundong nalalabi. Umulit bilang Best Player sa ikalawang sunod na laro si Lerry John Mayo na nagtapos na may 13 puntos at 14 rebound. Nanguna si Sampurna na may 20.
Bago ang laro ay pinarangalan si Sampurna bilang MVP ng liga para sa 2023 ayon sa pinagsamang numero mula sa President’s at Chairman’s Cup. Si Lyndon del Rosario ng Zambales Eruption ang MVP ng Chairman’s Cup at sinamahan siya sa Mythical Five nina Sampurna, Ameer Nikko Aguilar ng Tatak GEL Binan, John Lester Maurillo ng Eridanus Santa Rosa at Verman Magpantay ng Express na napili rin para sa Sportsmanship Award.
Comments