Search
  • BULGAR

Irving, pinagmulta sa pakikipag-party; 13 laro sa NBA, apektado ng COVID-19

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 17, 2021





Pinatawan ng multang $50,000 (P2.4 milyon) si Kyrie Irving ng Brooklyn Nets sa NBA dahil sa paglabag sa health at safety protocol matapos mahuling dumalo sa isang party na may mahigit 15 bisita noong nakaraang linggo. Kakaltasan din ang kanyang sweldo ng tinatayang $900,000 (P43.25 milyon) para sa dalawang laro na liniban niya sa loob ng 5-days quarantine na magwawakas ngayong araw kung lalabas na negatibo ang kanyang pagsusuri.


Ipinagpaliban din ng liga ang laro kahapon ng Minnesota Timberwolves at Dallas Mavericks matapos ang mga bagong kaso, kabilang si Karl Anthony Towns ng Wolves na naulila sa ina dahil din sa COVID-19. Hindi rin matutuloy ang dalawang laban ng Cleveland Cavaliers sa Washington Wizards sa Enero 17 at 18 para umakyat sa 13 ang bilang ng mga apektadong laro.


Bumalik sa aksyon ang Boston Celtics at hindi sila nag-aksaya ng panahon para talunin ang bisitang Orlando Magic, 124-97, sa pagpapatuloy ng NBA sa TD Garden kahapon. Tumibay ang hawak ng Celtics sa liderato ng Eastern Conference sa kartadang 8-3 panalo-talo.


Kahit wala ang kanilang numero unong scorer na si Jayson Tatum dahil sa health at safety protocol, umangat ang mga kakamping sina Jaylen Brown na may 21 puntos, beterano Jeff Teague na may 17 at rookie Payton Pritchard na may 16. Huling naglaro ang Celtics noong Enero 8 kung saan nagwagi sa Washington Wizards, 116-107, at sinundan ng pagliban sa kanilang tatlong sunod na laban kasama ang unang tapatan sa Magic noong Enero 13


Nakalusot ang Cleveland Cavaliers sa New York Knicks, 106-103, habang hinihintay ang mga bagong manlalaro galing sa palitan na nagdala kay James Harden sa Brooklyn Nets mula sa Houston Rockets. Halimaw na numero ang isinumite ni sentro Andre Drummond na 33 puntos at sinundan ni Cedi Osman na may 25 puntos.


Bumida para sa anim na kanyang 11 puntos sa overtime si Mike Muscala para maipanalo ang Oklahoma City Thunder sa Chicago Bulls, 127-125. Nanguna sa Thunder si Shai Gilgeous-Alexander na may 33 puntos at Luguentz Dort na may 21 puntos.


Gitgitan din ang tagumpay ng Milwaukee Bucks sa Dallas Mavericks, 112-109, salamat sa 8 puntos ni Khris Middleton sa huling 3minuto. Nagtapos si Middleton na may 25 puntos para tulungan si MVP Giannis Antetokounmpo na may 31 puntos.


Sumama sa mga nanalo ang Utah Jazz kontra sa Atlanta Hawks, 116-92. Patuloy ang mahusay na torneo nina Donovan Mitchell na may 26, Bojan Bogdanovic na may 17 at Pinoy pride Jordan Clarkson na may 16 puntos.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.