Ipinalit daw kay Rhian… SAM, NAGSORI KAY KYLINE NANG KUMALAT NA MAY RELASYON SILA
- BULGAR

- 11 hours ago
- 2 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | June 25, 2026

Photo: Sam Verzosa - FTWBA
Nilinaw na ni Sam Verzosa na walang romantikong relasyon sa pagitan nila ni Kyline Alcantara sa guesting niya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) last Friday.
Diretsong sagot niya nang matanong ni Boy Abunda tungkol kay Kyline, “Wala po.”
Ipinaliwanag niya na lumaki ang mga tsismis sa social media dahil sa mga larawan o pagkakataong nagkakasama ang mga artista at personalidad.
Single raw ngayon si Sam pagkatapos nilang maghiwalay ni Rhian Ramos.
Aniya, hindi patas para kay Kyline at sa mga taong maaaring ka-date nito ang pagli-link sa kanilang dalawa.
Ibinahagi rin niya na nang muli niyang makita si Kyline matapos kumalat ang mga usap-usapan, humingi siya ng paumanhin sa aktres.
Sey ni Sam, “I’m sorry, Ky, ah?”
Sagot naman daw nito, “‘Di, wala ‘yun.”
Pinuri rin niya ang ugali ng aktres at sinabing, “Mabuting tao si Kyline at napaka-unfair nito para sa kanya.”
Binigyang-diin pa niya na, “Kaibigan ko lang si Ky.”
Sa sinabi ni Sam Verzosa, umaasa siyang matatapos na ang fake news tungkol sa kanila ni Kyline Alcantara, lalo na sa social media.
MALAKING tagumpay para sa SB19 ang kanilang pinakabagong kasunduan sa United Talent Agency (UTA), isa sa pinakamalalaki at pinakamaimpluwensiyang talent agencies sa Hollywood.
Opisyal nang magiging kinatawan ng UTA ang SB19 sa pandaigdigang antas.
Kasama rito ang pagbuo ng mga international concert tours at pakikipagsosyo sa mga global brands.
Ang pinakabagong album ng grupo, na naglalaman ng kantang Visa ay sumasalamin sa kanilang pag-unlad bilang mga artista at bilang mga negosyante sa industriya ng musika.
Nakatakda ring gumawa ng kasaysayan ang SB19 bilang kauna-unahang lokal na Filipino act na magtatanghal sa mga pangunahing international music festival gaya ng Lollapalooza sa Chicago at Summer Sonic.
Para sa maraming A’TIN (fans ng SB19), ang pagpirma ng P-pop boy group sa UTA ay hindi lamang tagumpay kundi isa ring malaking hakbang para sa OPM at P-pop sa pandaigdigang entablado.
NAGBIGAY ng mensahe si Coco Martin para sa kanyang mga kritiko at sa mga taong mahilig manghusga sa social media.
Sa isang panayam sa podcast na Unshaken ni Gary Valenciano, sinabi ng Kapamilya Primetime King na panalangin ang kanyang tugon sa mga bashers.
Ayon sa aktor, nais niyang maging mas maingat at sensitibo ang mga tao sa kanilang mga komento dahil magulo na ang mundo at hindi na dapat dagdagan pa ng poot.
Sambit pa niya na kung wala namang magandang maitutulong o masasabi sa kapwa, mas mabuting manahimik na lamang kaysa makisawsaw para manira ng ibang tao.
Inamin ng aktor na nasasaktan siya kapag nakakakita ng mga taong inaatake at hinuhusgahan online.
Dahil dito, ipinagdarasal na lamang nila ng kanyang pamilya ang kanilang kaligtasan at gabay ng Diyos sa bawat desisyong kanilang ginagawa.
Well, aminado si Coco Martin na hindi niya kayang mapasaya ang lahat, maging ang kanyang mga katrabaho o mga manonood.
Gayunman, sinisikap niyang tiyakin na ang bawat desisyong ginagawa niya ay naaayon sa tama at sa kalooban ng Panginoon.





Comments