‘FINALE’ NA BA? REGINE VELASQUEZ, TIGIL NA SA BONGGANG CONCERT

by BRO @Showbiz | September 26, 2026

Photo: Courtesy Regine Velasquez-Alcasid / FB
Hindi pa tuluyang nagpapaalam sa entablado si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid kahit tinawag niyang “FINALE” ang kanyang nalalapit na major concert series.
Matapos ang apat na dekada sa OPM industry, sinabi ni Regine na babawasan na niya ang malalaki at bonggang concert production na matagal nang bahagi ng kanyang career.
Pero hindi ibig sabihin nito na titigil na siya sa pagganap.
“Yes and no. For major concerts yes, but I'm not going to stop performing altogether. I will still perform siguro sa mga smaller, intimate venues,” ani Regine.
Ayon sa singer, nahihirapan na siyang harapin ang pressure at mahabang paghahanda para sa malalaking concert, lalo na bilang isang ina at asawa.
Dagdag pa niya, nagbabago rin ang kanyang katawan at boses habang tumatanda.
“I am not the same singer that I used to be like 10, 20 years ago,” sabi niya. Gayunman, nilinaw niyang kaya pa rin niyang kumanta.
Ayon kay Regine, hindi farewell concert ang “FINALE” kundi isang malaking pasasalamat sa mga tagahangang sumuporta sa kanya sa loob ng maraming taon.
At asahan pa rin umano ang isang gabing puno ng kantahan—kahit wala na ang mga “buwis-buhay” na pasabog na dati niyang ginagawa.





Comments