Ipinahinga si Clarkson, kalidad ng Mexican, hindi natapatan ng Gilas
- BULGAR
- Aug 23, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 23, 2023

Lumasap muli ng pagkabigo ang Gilas Pilipinas sa kamay ng Mexico, 84-77, Lunes ng gabi sa saradong Philsports Arena. Hindi pinaglaro si Jordan Clarkson at kinuha ni Coach Chot Reyes ang pagkakataon na sumubok ng ibang kombinasyon.
Pinalitan ni PBA MVP Scottie Thompson at Kai Sotto ang mga kinagawiang sina Clarkson at AJ Edu sa unang lima kasama sina Dwight Ramos, Roger Pogoy at Japhet Aguilar.
Nagbunga ito ng magandang 9-3 unang arangkada subalit mula roon ay itinatak ng mga Mexicano ang kanilang kalidad at lumamang, 72-63, sa kalagitnaan ng fourth quarter.
Aabangan ngayong Miyerkules ang opisyal na 12 manlalaro matapos ang pulong ng mga kinatawan ng mga koponan. Kung titingnan ang mga ginamit laban sa Cote D’Ivoire, Montenegro at Mexico ay indikasyon ito kung sino ang mga mapipili.
Si Thompson ang nanguna sa Gilas sa tatlong kategorya 14 puntos, anim na rebound at limang assist. TIg-siyam na puntos sina Pogoy at Ramos.
Namuno sa “Doce Guerreros” ang mga first five na sina Pako Cruz na may 18 at Paul Stoll na may 17 puntos. Pantay ang Gilas at Mexico sa halos lahat ng numero subalit naging bentahe ang 13 three-points ng mga bisita kumpara sa pito lang ng mga Pinoy – tatlo galing kay Pogoy.
Sisimulan ng Mexico ang kanilang World Cup Grupo D sa Biyernes kontra Montenegro sa Mall of Asia Arena simula 4:45 p.m. Susundan ito ng tapatan ng kanilang mga kasama sa grupo na Lithuania at Ehipto sa 8:30 p.m.
Matatandaan na tinalo rin ng Montenegro ang Pilipinas, 102-87, sa kanilang ensayo noong Linggo ng gabi sa Philsports. Walang kasalukuyang NBA player ang Mexico at binubuo sila ng mga naglalaro sa Europa at mga bituin ng kanilang pambansang liga.
Samantala, gaganapin ngayong Miyerkules ng gabi ang seremonya ng 2023 FIBA Hall of Fame sa Sofitel Philippine Plaza. Pangungunahan ang mga pararangalan ni Carlos “The Big Difference” Loyzaga bilang unang Filipinong manlalaro na mapapabilang sa prestihiyosong listahan.





Comments