Ipinagpalit sa iba, nakunan sa anak nila… ZEINAB, UMAMING NA-TRAUMA SA NARANASAN KAY SKUSTA CLEE
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | September 11, 2022

Unti-unti na ngang nakaka-move on ang sikat na vlogger/social media influencer na si Zeinab Harake sa hiwalayan nila ng nakarelasyong rapper na si Skusta Clee.
Open book naman ang nangyari sa relasyon nina Zeinab at Skusta dahil matatandaang inamin ito ng una sa kanyang panayam kay Toni Gonzaga last May.
Sa nasabing panayam kay Toni ay umiiyak na ikinuwento ni Zeinab na naghiwalay sila last March ni Skusta at third party umano ang dahilan dahil may ibang babae raw ito.
May isa silang anak na si Bia na nasa poder ngayon ng vlogger. Nabuntis siya sa pangalawang anak nila at nakunan siya nu'ng hiwalay na sila.
Five months after the separation, humarap si Zeinab sa entertainment press last Friday sa kanyang grand media launch bilang pinakabagong endorser ng mga bagong produkto ng Beautederm.
Ayon kay Zeinab ay okay na siya ngayon matapos ang bangungot na pinagdaanan although aminado siyang bumabalik-balik pa rin sa isip niya ang naranasan.
“Sa totoo lang po, alam naman po siguro ng media ‘yan na 5 months ago pa lang ‘yung nangyari sa ‘king bangungot po talaga ‘yun, sobrang bangungot.
“Kapag naiisip ko siya, talagang parang bumabalik ako sa posisyon na ‘yun. So, hindi pa talaga ako makapag-focus.
“Mukha akong okay and happy every time sa lahat, sa harap ng lahat. Pero ‘yung one thing na hindi ko maibalik ngayon is ‘yung focus ko po siguro. Kasi dati, kaya kong mag-vlog ng 5 contents sa isang araw.
“Ngayon, sa isang linggo, 2 vlogs, hirap na hirap ako kasi ang dami kong iniisip,” she said.
“Kailangan ko lang mag-heal nang totally para makabawi sa sarili ko,” dagdag niya.
At para sa mga kababaihan na dumaan din sa kanyang mga pinagdaanan, payo ni Zeinab ay huwag na huwag daw magpaabuso.
“Kapag ginawa na, tama na. Ako po kasi talaga, ginawa na sa akin nang ilang beses pero dahil mahal ko, paulit-ulit, alam n’yo naman.
“Pero du’n ko napatunayan na kapag ang isang tao, may ginawang hindi maganda sa ‘yo, sinadya niya ‘yun. Hindi niya ginawa ‘yun dahil nagkamali siya. Ginawa niya ‘yun dahil intensiyon niyang gawin ‘yun para sa sarili niya,” pahayag ng vlogger na may over 50 million followers sa social media.
Sa ngayon ay very thankful and grateful si Zeinab na nakaya niyang malampasan ang darkest moment na ‘yun ng buhay niya at kumbaga, nasa bagong chapter na siya ngayon ng kanyang buhay.
Kabilang na nga sa bagong yugtong ito ay ang pagiging brand ambassador ng oral care products ng Beautederm gaya ng Koreisu Family Toothpaste, Koreisu Whitening Toothpaste, Etré Clair Refreshing Mouthwash, at Etré Clair Mouth Spray.
“Sobrang saya kasi first time… ito pong media na ‘to, ito pong presscon na ‘to, sobrang first time lang nito sa akin lahat,” ani Zeinab.
“Gagawin ko talaga lahat ng best ko at ‘yung feeling ko talaga ngayon, sobrang saya,” sambit pa ni Zeinab.
Pahayag naman ng Beautéderm president and CEO na si Rhea Anicoche-Tan, “Sinasalubong namin si Zeinab sa aming pamilya at welcome na welcome addition siya sa pagkalat namin ng mensahe ng pagmamahal ng Beautéderm sa kanyang 50 million fans online. I am so grateful for the love and support of all my ambassadors who remained loyal to Beautéderm after all these years and I am excited to be with our new ambassadors and have an exciting adventure with them in the years to come.”





Comments