Ipinagbabawal ang paglalantad ng impormasyon tungkol sa nakahahawang mga sakit
- BULGAR

- 1h
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | january 3, 2026

Dear Chief Acosta,
Laganap ang iba’t ibang mga nakahahawang sakit sa panahon ngayon. Nagtataka ako kung bakit hindi nila isinasapubliko sa balita ang pagkakakilanlan ng mga nahawaang pasyente. Malaki sana ang maitutulong nito sa contact tracing ng iba pang posibleng close contacts kung ilalathala ang pagkakakilanlan ng mga pasyente. Legal ba na ibunyag ang mga detalye na iyon? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. – Aki
Dear Aki,
Tinatanggap ng Estado na ang mga epidemya at iba pang emerhensiyang pangkalusugan ay nagdudulot ng panganib sa pampublikong kalusugan at pambansang seguridad, na maaaring makasagabal sa mga panlipunan, pang-ekonomiya, at pampulitikal na tungkulin ng Estado. Patuloy na nagsisikap ang pamahalaan na protektahan ang mga mamamayan mula sa mga banta sa kalusugan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng episyente at epektibong disease surveillance.
Itinatadhana ng Republic Act (R.A.) No. 11332, na kilala rin bilang Law on Reporting of Communicable Diseases, ang tungkulin ng Department of Health (DOH) at iba pang institusyon sa pagsubaybay ng mga nakahahawang sakit. Gayunpaman, kinakailangan ang balanse sa pagitan ng karapatan ng publiko na malaman at ng karapatan ng mga pasyente laban sa pagsisiwalat ng kumpidensiyal na impormasyon ukol sa kanila. Itinatala ng Seksyon 9 ng naturang batas ang mga ipinagbabawal na gawain, partikular na ang mga sumusunod:
“Section 9. Prohibited Acts. - The following shall be prohibited under this Act:
(a) Unauthorized disclosure of private and confidential information pertaining to a patient’s medical condition or treatment;
(b) Tampering of records or intentionally providing misinformation;
(c) Non-operation of the disease surveillance and response systems;
(d) Non-cooperation of persons and entities that should report and/or respond to notifiable diseases or health events of public concern; and
(e) Non-cooperation of the person or entities identified as having the notifiable disease, or affected by the health event of public concern.
Disclosure of confidential information will not be considered violation of this Act under this section if the disclosure was made to comply with a legal order issued by a court of law with competent jurisdiction.”
Upang sagutin ang iyong tanong, ipinagbabawal ng batas ang pagbubunyag ng pribado at kumpidensiyal na impormasyon na may kinalaman sa kondisyon o paggamot sa kalusugan ng isang pasyente. Maliban na lamang kung may pahintulot mula sa mismong pasyente o ipinag-uutos ito ng hukuman. Kabilang sa impormasyong ito ang pagkakakilanlan ng pasyente.
Sinumang tao na mapatunayang lumabag sa alinman sa mga nabanggit na ipinagbabawal na gawain ay maaaring humarap sa multa o pagkakakulong at iba pang parusa. Ayon sa Seksyon 10 ng parehong batas:
“Section 10. Penalties. -Any person or entity found to have violated Section 9 of this Act shall be penalized with a fine of not less than ₱20,000 but not more than ₱50,000 or imprisonment of not less than one month but not more than six months, or both such fine and imprisonment, at the discretion of the proper court.
The Professional Regulation Commission shall have the authority to suspend or revoke the license to practice of any medical professional for any violation of this Act.
The Civil Service Commission shall have the authority to suspend or revoke the civil service eligibility of a public servant who is in violation of this Act.
If the offense is committed by a public or private health facility, institution, agency, corporation, school, or other juridical entity duly organized in accordance with law, the chief executive officer, president, general manager, or such other officer in charge shall be held liable. In addition, the business permit and license to operate of the concerned facility, institution, agency, corporation, school, or legal entity shall be cancelled.”
Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments