Search
  • BULGAR

Ipasa na ang Department of Disaster Resilience

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 30, 2020



Nitong nagdaang mga araw, marami ang nasalanta ng mga bagyo, flashflood at iba pang sakuna, tulad ng Bagyong Quinta. Ngayon, meron na namang papasok na bagong bagyo, ang Bagyong Rolly, na inaasahan ding magdudulot ng mga pinsala at dagdag-hirap sa taumbayan.


Nagpadala agad tayo ng tulong nang malamang marami sa ating mga kababayan ang kinailangang lumikas mula sa kanilang kabahayan at pansamantalang tumira sa mga evacuation centers na kadalasan ay gym o eskuwelahan.

Taun-taon, nakararanas tayo ng higit-kumulang dalawampung bagyo, at kaakibat din nito ang baha at landslide. Maraming lugar din sa bansa ang nakararanas ng lindol.


Bukod nito, kaliwa’t kanan ding may nangyayaring sunog sa iba’t ibang parte ng bansa.

Sa madalas na pangyayaring ito, paano natin maseserbisyuhan nang maayos ang ating mga kababayan kung wala tayong klarong mekanismo upang ihanda ang ating mga komunidad?


Ito ang dahilan kung bakit matagal nang inirerekomenda na dapat magtayo na ng departamento na mayroong secretary-level in charge na magiging tagapamahala ng preparedness, response, and resilience measures upang maprotektahan ang mga buhay at kapakanan ng ating mga kababayan.


Nakita natin mismo ang kalagayan ng ating mga kababayan, lalo na ngayong may pandemya, doble ang kinahaharap nilang paghihirap. Kaya sana ay talakayin na ang Senate Bill No. 205 o ang panukalang pagtatayo ng Department of Disaster Resilience (DDR).

Sa pagtatag ng departamentong ito, mas magiging mabilis ang pagtugon ng pamahalaan at mas maiibsan ang masamang epekto ng mga kalamidad.


Sa tulong nito, mas mabilis makababangon ang ating mga kababayan pagkatapos ng mga sakuna.

Ang DDR ay magiging cabinet-level agency, kaya ito ‘yung lalapitan at susundin natin kapag may sakuna. Bago pa man dumating ang krisis, aktibo na dapat ito sa paghahanda upang gawing disaster resilient ang mga komunidad.


Magkakaroon din ng regional offices para hindi na malillito ang ating mga kababayan kung kanino o kung saan makahihingi ng impormasyon at tulong.

Sa ngayon, maraming ahensiya ang nakikibahagi sa mga disaster-related na gawain. Pag-iisahin sa DDR ang mga responsibilidad at magiging pangunahing ahensiya na ito ng gobyerno na sisigurado sa kahandaan at kakayahan ng ating komunidad sa oras ng sakuna.

Sisiguraduhing magkakaroon tayo ng mga evacuation centers na safe sa COVID-19 at iba pang mga nakahahawang sakit. Kaya kaakibat ng DDR Bill ang Senate Bill No. 1228 o ang Mandatory Evacuation Center Bill.

Sa panukalang ito, magkakaroon na dapat ang bawat LGU ng evacuation centers na ligtas, maaliwalas, malinis at kumpleto sa kinakailangang kagamitan at pasilidad.

Huwag natin hintaying magkaroon na naman ng krisis na dulot ng bagyo, lindol o iba pang sakuna. Umaksiyon na tayo ngayon pa lang para maging palaging handa ang ating bansa sa anumang krisis na darating.


Ang pagsasabatas ng mga panukalang magtatayo ng DDR at mga mandatory evacuation centers ay malaking hakbang tungo sa pagiging disaster-resilient na bansa.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.