"Ipakukulong ko ang game fixers"- Pingris
ni MC - @Sports | January 26, 2022

Bagamat baguhan pa para sa bago niyang karera si Marc Pingris bilang Pilipinas Super League commissioner, eksaktong alam na ng retiradong PBA legend ang kanyang mga prayoridad sa paglulunsad ng liga.
"Gusto ko talagang ayusin ang game-fixing diyan," saad ni Pingris sa eksklusibong pahayag sa ABS-CBN. "Alam naman natin ’yung nangyari previously dito."
Pinatutungkulan ni Pingris ang laro ng dalawang team sa nagdaang Vismin Cup na pinatalsik sa liga at na-banned pa ang players at coaches sa paglahok sa Pilipinas VisMin Super Cup. "Kung ang intention lang ng mga players is babuyin ’yung liga, wala silang lugar dito. Ipapakulong ko kayo," babala ni Pingris sa players at mga kasabwat nila na matutuklasang guilty sa game-fixing.
"Kasi, kaya nagpapatuloy ’yung ganyan, hindi sila pinapakulong eh. Sinususpinde lang sila at bina-ban sa liga. Ako, gusto ko talaga ipakulong ’yung may pakana ng game-fixing."
Bagamat nais ng many-time PBA all-defensive team member at 3-time defensive player of the year na disiplinahin ang mga players na kumikita dahil sa 'pandaraya', ipinadama naman ni Pingris ang malasakit sa kapwa players na nananatiling tapat sa kanilang propesyon.
Hinahangaan daw niya ang players na masipag at determinadong lumaban para lamang manalo, iyan ang mga manlalaro para kay Pingris na kanyang kakampihan na pawang may pagpapahalaga sa pinaghirapang panalo sa bawat laro.





Comments