top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Ipakita ang tunay na diwa ng Pasko sa mga biktima ng bagyong Odette

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 24, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 24, 2021



Bukas ay araw na ng pinakahihintay nating Pasko, ginugunita natin ang kapanganakan ng ating Panginoong Hesus na tinaguriang ang Hari ng mga Hari matapos na maghandog ng regalo ang Tatlong Pantas na nagtungo sa Betlehem sa Judea.


Ngunit ilang araw bago mag-Pasko ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa mga lugar na binayo ng bagyong Odette partikular ang MIMAROPA (Region 4-B), Western Visayas (Region 6), Central Visayas (Region 7), Eastern Visayas (Region 8), Northern Mindanao (Region 10), at Caraga (Region 13).


Nilagdaan ng Pangulo ang naturang deklarasyon kasunod ng rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa hindi natin inakalang grabeng pinsala na sinapit ng ating mga kababayan.


Hindi naman nagkulang sa pagbibigay-babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na siyang National Meteorological and Hydrological Services agency ng bansa na ang mandato ay magbigay-proteksiyon at babala sa ating mga kababayan.


Bago pa dumating si Odette ay inanunsiyo na ng PAGASA na isa itong super typhoon kaya nga nakapagsagawa ng mga preemptive evacuation ang maraming lugar, ngunit sadyang hindi kinaya ng ating paghahanda ang kalupitang dala ng naturang bagyo.


Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC ay umabot na ang nasawi sa 177 na may 38 nawawala at 275 ang sugatan at sa ulat naman ng Philippine National Police (PNP) ay mahigit na sa 200 ang nasawi at hanggang ngayon ay nililikom pa talaga ang kabuuan.


Base naman sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay humigit-kumulang sa P449 milyon ang tinamong pinsala sa mga pananim at imprastruktura na sa tingin natin ay madaragdadan pa.


Sa ngayon ay hati ang bansa sa pagdiriwang ng Pasko dahil sa nangyaring kalamidad na marami ang nagluluksa, nawalan ng ari-arian at literal na hindi kumakain sa kasalukuyan at umaasa na lamang sa tulong na ihahatid sa kanilang lugar.


Sa mga lugar na hindi nasalanta ng Bagyong Odette ay napakarami ng ating dapat ipagpasalamat dahil alam nating maipagdiriwang natin ng maayos ang Pasko at higit sa lahat ay alam nating darating si Santa Claus para bigyan ng laruan ang ating mga anak.


Ngunit itong mga lugar na ngayon ay nasa ilalim ng state of calamity na hindi mapuntahan ng mga ordinaryong sasakyan at kailangan pang gumamit ng helicopter at sasakyang-pandagat bago maiparating ang tulong ay tiyak na kakalimutan na muna ang Pasko.


Marami pang lugar ang wala pang kuryente at internet connection kaya kahit pagbati sa mismong Pasko ay baka hindi makatanggap ang marami sa kanila at tiyak na habang marami ang nagsasaya sa Pasko ay marami ang lumuluha sa kanila dahil sa lungkot.


Alam n’yo ba na humihingi na ng tulong ang pamahalaan ng mga sinalanta ng Bagyong Odette dahil may mga insidente nang harap-harapang pang-aagaw ng pagkain para lamang makaligtas sa kasalukuyang sitwasyon.


May mga insidente na ng mga pagnanakaw hindi lamang ng pagkain at tubig dahil maging ang mga damit, kumot at ibang personal na kagamitan ay ninanakaw na kaya nagdagdag na tayo ng mga kaanib ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang hindi na lumala pa ang sitwasyon.


Ganitung-ganito ang nangyari sa panahon ng Bagyong Yolanda na maraming babae kabilang na ang ilang ina ang nagbebenta na ng aliw kapalit lamang ng isang de-lata ng sardinas para mabuhay ang kanilang kaanak.


Kaya sana sa mga kababayan nating nakaluluwag-luwag ay mamahagi kayo sa maraming nangangailangan bilang pagtugon na rin sa tunay na diwa ng Pasko na dapat magbigayan kaya nga bago pa man tumama ang bagyo at nagsasagawa pa lamang preemptive evacuation ay agad na tayong nagpadala ng tulong.


Hanggang sa kasagsagan, pagkatapos ng bagyo ay tuluy-tuloy ang ating pamamahagi at nakatakda tayong lumipad patungo sa mga nasalantang lugar anumang oras na gumanda ang panahon dahil sa banta ng panibagong bagyo.


Sa ngayon ay patuloy pa rin tayong nagpapadala ng tulong tulad ng tubig, pagkain, damit at higit sa lahat ay tulong-pinansiyal para makapagsimulang muli ang ating mga kababayan at hindi tayo tumitigil sa paghahanda ng karagdagan pang mga ayuda para sa mga apektado.


Hindi na muna tayo maghahanda ng malaking piging sa araw ng Pasko at isang simpleng hapunan na lamang ang aming pagsasaluhan bilang pakikisimpatya na rin sa ating mga kababayan na nawalan ng kabuhayan at idadagdag na lamang natin sa tulong ang dapat ay gagastusin sa Pasko.


Sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo ay huwag kayong mawalan ng pag-asa dahil sa ganitong pagkakataon nakikita ang pagdadamayan ng Pilipino sa kapwa Pilipino at naniniwala ako na susunod na taon ay magkakaroon na tayo Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page