Ipagdasal din natin ang mga pari
- BULGAR

- Jul 19
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 19, 2025

Dumalo tayo noong nakaraang Huwebes sa isang parangal na ibinigay kay Richard “Chardy” Reyes, ang pumanaw sa edad na 25, na kilalang photojournalist ng Philippine Daily Inquirer.
Sa aking maikling mensahe, dumaloy ang maraming magaganda ngunit masasakit na kaisipan tungkol sa dalawang batambatang lalaki na binawian ng buhay sa mga nagdaang buwan at araw.
Dalawang lalaki na mula sa dalawang magkaibang mundo ang pumanaw kamakailan, sina Padre Mateo Balzano, edad 35, at Richard Reyes. Italiano ang una, Pinoy naman ang pangalawa.
Maituturing na trahedya ang pagkamatay ng dalawa. Ang una ay nagpakamatay at ang pangalawa ay biglang pumanaw dahil sa atake ng puso. Nabigla ang lahat ng malapit sa dalawang ito.
Ganoon na lang ang malalim na lungkot at panghihinayang ang naramdaman ng mga kabataan sa isang parokya sa bayan ng Cennobio, Piedmontesa, Italya. Pari si Mateo Balzano, na ang kanyang ministeryo ay ang maglingkod sa mga kabataan ng parokya.
Nakinig sa mga kabataan si Padre Mateo. Narinig at sinuportahan niya ang mga pangarap at panaginip ng mga kabataan. Tumawa at lumuha siya kasama ng mga ito.
Nakita at nadama ng mga kabataan ang pagsisikap ni Padre Mateo na pumasok at maging bahagi ng kanilang mundo. Kaya ganoon na lamang kabigat ang epekto ng pagkawala ng batang paring si Mateo sa Parokya at Diyosesis ng Novarra. Higit pa sa biglang pagpanaw ng pari ay ang paraan ng kanyang pagpanaw. Hindi siya namatay sa ibang dahilan, kundi nagpakamatay.
Noong Abril 9, 2025, tatlong buwan ang nakararaan, pagkatapos mag-usap ang magkasintahang Madel at Richard, mangarap at magplanong magpakasal sa mga darating na buwan, biglang inatake sa puso si Chardy. Itinakbo ito sa ospital ngunit tuluyang pumanaw ang magaling at kilalang photojournalist.
Matapang, maka-mahirap, matiyaga at puno ng pagmamahal sa piniling propesyon, sinuong ni Chardy ang mga mapanganib na sitwasyon upang maging instrumento ng pamamahayag ng katotohanan laban sa inhustisya, karahasan at kasinungalingan.
Makikita ang maraming magagandang larawan na kuha ni Chardy noong panahon ng COVID19; ng matindi, madugong panahon ng drug war; at ng matinding banta ng pananakop ng Tsina sa West Philippine Sea (sumama si Chardy sa biyahe ng Atin To sa WPS).
Damang-dama ang mga obra ng mga kasama ni Chardy at ang mga nakilala niyang lumalaban at naninindigan para sa maliliit at sa bayan. Masasabing magaling at mabuti si Chardy bilang photojournalist, na nagsisimula pa lang ay punumpuno ng pangarap.
Hindi pa siya dapat mamatay, napakarami pa niyang magagawa para sa mga nangangailangan at nahihirapan sa lipunang tila ‘di makatarungan at walang pagkakapantay-pantay.
Sa gitna ng trahedya ng pagkawala, nagsalita si Papa Leo XIV tungkol kay Padre Mateo Balzano, gayundin maraming nagsalita tungkol kay Chardy.
Mula kay Papa Leo XIV: “Nagdurugo ang puso ko sa balitang nagpakamatay si Padre Mateo Balzano, isang napakabatang-batang pari, 35 taong gulang, masayang naglingkod at kasama ng mga kabataan ng kanyang parokya. Nagdudurog ang aking puso dahil sa kultura ng katahimikan sa buhay ng mga pari na nag-iisa at marahil nalulunod sa mga palaisipan at alalahanin… Nadarama ko ang matinding init ng isang tahimik na epidemya ng kalungkutan at pagkawala ng pag-asa na lumalamon sa maraming pari. Hindi tayo naging tunay na Kristiyano sa ating ‘di makatarungang pagluklok sa matataas na pedestal sa mga pari. Inaasahan natin na magagawa nila ang lahat, hindi sila magkakamali at hindi sila manghihina. Sila’y ginawa nating mga katha mula sa tao (from men into myths); ginawa natin silang mga mandirigma ng espiritu na lumalaban sa gitna ng mga kasamaan at kasalanan ng tao at lipunan, ngunit hindi natin sila nakikitang umuuwing nag-iisa at sugatan sa kani-kanilang mga silid… Tao pala sila. Nais kong pag-isipan natin na merong tahimik na krisis na tumatama sa maraming kaparian. Merong “mental health crisis” ang maraming pari. Ngunit kasalanan ba nila ito? Kung itinulak natin sila sa pedestal ng malamig na katatagan (stoic perfectionism). Ipagdasal ninyo sila sa halip na patuloy na panunuligsa. Kausapin at imbitahin ninyong kumain sa inyong mga tahanan. Kaibiganin ninyo sila at tulungan ninyo silang maglingkod kasama kayo… ‘di nag-iisa.”
Dalawang batambatang lalaki, dalawang larawan. Chardy, kumuha ng maraming larawan para panatilihing buhay ang mahahalagang yugto ng kasaysayan. Fr. Mateo, naging larawan ng buhay ng Diyos, sumama, umalalay at humubog sa mga kabataan, buhay at kinabukasan ng lipunan.
Wala na sina Chardy at Padre Mateo, ngunit mananatiling buhay ang larawan ng kanilang pagkatao at kabutihan sa kapwa. Sila ang mga larawan ng kasaysayan at larawan ng buhay ng Diyos!








Comments