Intellectual property, bawal isapubliko ‘pag walang permiso ng nagsulat nito
- BULGAR

- Oct 18, 2020
- 1 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 18, 2020
Nakalagay sa ating batas na ang sulat at iba pang nakasulat na komunikasyon ay pagmamay-ari ng taong pinangalanan at pinagbigyan nito, subalit hindi ito maaaring ipagbigay-alam sa publiko o ipakalat na walang ibinigay na permiso ang nagsulat nito at ng kanyang mga tagapagmana. Maaari lamang payagan ang paglathala sa mga ito kung makabubuti sa publiko at sa interes ng hustisya. (Artikulo 723, Intellectual Creation, Civil Code of the Philippines).
Sa ating pagbalangkas sa naturang batas ay makikita natin na ang sinulatan ay hindi basta makapaglilimbag ng nilalaman ng sulat sa kanya kahit na siya ang itinuturing na may-ari nito, maliban na lamang kung sinang-ayunan ang nasabing paglimbag o pagsapubliko nito ng taong sumulat at nagpadala ng nasabing sulat o likha.
Ang proteksiyon ng batas sa nagsulat ng liham o sulatin ay sang-ayon sa pagkilala ng batas sa kanyang karapatan bilang may likha ng nasabing liham o sulatin. Tanging ang hukuman lamang ang maaaring magbigay ng pahintulot na mailabas ito kung kinakailangan upang manaig ang hustisya at para sa kapakanan at interes ng nakararami.
Malinaw na nakasaad na ang tanging dahilan para malabag ang karapatang ito ay kung ipinag-uutos ng hukuman at mayroon itong legal na basehan at kinakailangan ito para panatilihin ang kaligtasan at kaayusan ng estado.





Comments