Insidente ng bullying, puwedeng isumbong sa 911 hotline
- BULGAR
- Jun 18
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 18, 2025

Habang milyun-milyong estudyante ang muling nagsimula ng kanilang klase, ang seguridad ng mga bata at ang matagal nang krisis sa sistema ng edukasyon ay dapat nang isaayos at tugunan.
Isa itong paalala na hindi sapat ang pagbubukas ng klase, kung hindi rin bubuksan ang mas malawak na usapan ukol sa ligtas, at maayos na pagkatuto ng bawat mag-aaral.
Kasabay ng pagsisimula ng School Year 2025-2026 noong Hunyo 16, iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III sa lahat ng police commanders na paigtingin ang pagbabantay laban sa mga krimen sa kalsada, at maging ang insidente ng bullying, lalo na sa paligid ng mga paaralan. Aniya, maaaring i-report ang mga kaso ng bullying sa 911 hotline, at agad namang kokontakin ng lokal na pulisya ang kinauukulang eskwelahan upang imbestigahan at tugunan ang sitwasyon.
Sinabi ni Torre na nakikipag-coordinate na sila sa mga iskul at sisiguraduhin nila na walang bullying.
Inatasan din ang mga pulis na bantayan ang mga batang estudyante upang hindi mabiktima ng mga magnanakaw at manloloko, lalo na’t may dalang gadget o cellphone ang marami sa kanila.
Ayon naman sa Department of Education (DepEd), naging handa ang lahat sa pagbubukas ng klase kung saan tinatayang nasa 27 milyong mag-aaral mula preschool hanggang senior high school ang nagbalik-eskwela.
Gayunpaman sa kabila ng maayos na operasyon, hindi pa rin nawawala ang mabibigat na suliranin sa sektor ng edukasyon. Kabilang dito ang kakulangan sa silid-aralan, na umabot na sa 165,000.
Paliwanag ng DepEd, aabutin pa ng hanggang 55 taon upang tuluyang matugunan ang backlog kung hindi mababago ang kasalukuyang bilis ng konstruksyon.
Napakahalaga para sa lahat na matiyak ang seguridad ng mga estudyante ngayong nagsimula na ang kanilang pag-aaral. Importante ring pagtuunan ng pansin ang mga batayang isyu tulad ng kakulangan at kalinisan sa mga pasilidad, kalidad ng edukasyon, at suporta sa mga guro.
Marahil, ang pagkakaroon ng mga pulis sa paligid ng paaralan ay isang hakbang upang kahit paano, hindi man agad masugpo ang bullying ay mabawasan at mapigilan ang anumang karahasan sa pagitan ng mga mag-aaral sa loob at labas ng kanilang silid-aralan.
Sa ganito ring paraan, magkakaroon ng malawak na kamalayan ang pamunuan ng bawat paaralan upang alamin ang mga nangyayari sa mga mag-aaral nang sa gayon ay higit silang mapangalagaan at maproteksyunan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios