Insanity, bilang depensa sa nagawang krimen
- BULGAR

- 10 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 8, 2025

Dear Chief Acosta,
Si Grace ay nakatatanda na kapatid ng aking kaibigan na si “A”. Nahaharap sa reklamo si Grace bunsod diumano ng pananaksak sa kanilang kapitbahay. Si Grace ay mayroong problema sa pag-iisip at iyon sana ang nais ni “A” na gamitin bilang depensa ng kanyang kapatid. Gulong-gulo na si “A” sapagkat mayroon diumano na nakapagsabi sa kanya na mapapawalang-sala si Grace dahil sa problema nito sa pag-iisip, ngunit mayroon ding nakapagsabi na kailangan na mapatunayan ang pagkasira ng isip ni Grace nang higit pa sa makatwirang pagdududa. Alin ba ang tama? Kakailanganin din ba nila ng medikal na eksperto na magsasabi na mayroong problema sa pag-iisip ni Grace? Sana ay matugunan ninyo ang katanungan na ito.
– Jestoni
Dear Jestoni,
Ang bawat tao na gumawa ng krimen at napatunayang may kriminal na responsibilidad ay maaaring maparusahan. Ang parusa ay maaaring pagbabayad-pinsala at danyos, multa, at/o pagkakakulong sa piitan.
Ganoon pa man, mayroong mga sirkumstansya na kinikilala sa ilalim ng ating batas na maaaring magsilbing dahilan upang hindi patawan ng kriminal na responsibilidad ang inaakusahan. Ang isa rito ay ang pagkasira o kawalan ng tamang pag-iisip o insanity ng tao na inaakusahan ng krimen. Nakasaad sa Artikulo 12 ng Revised Penal Code of the Philippines:
“Art. 12. Circumstances Which Exempt from Criminal Liability. -- The following are exempt from criminal liability:
An imbecile or an insane person, unless the latter has acted during a lucid interval.
When the imbecile or an insane person has committed an act which the law defines as a felony (delito), the court shall order his confinement in one of the hospitals or asylums established for persons thus afflicted, which he shall not be permitted to leave without first obtaining the permission of the same court.
x x x”
Nais naming bigyang-diin na ang akusado na naninindigan sa insanity, bilang kanyang depensa, ay inaamin at inaako ang krimen na ibinibintang sa kanya ngunit iginigiit na siya ay wala sa tamang pag-iisip o may sira sa pag-iisip nang maganap ang krimen kung kaya’t siya ay dapat na ipawalang-sala.
Binigyang-linaw din ng Kataas-taasang Hukuman sa kasong People of the Philippines vs. Lito Paña y Inandan (G.R. No. 214444, November 17, 2020), sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, na kinakailangan na mapatunayan na: (1) mayroon nang pagkasira ng isip ang akusado nang maganap ang krimen; (2) ang kanyang kondisyon ay medikal na napatunayan; at (3) epekto ng kanyang kondisyon ang kawalan niya ng kakayahan na pahalagahan ang kamalian ng kanyang ginawa. Bagaman ang medikal na eksperto ay hindi ganap na kailangan, malaki ang maitutulong ng kanilang testimonya sa pagtiyak na nagawa ng akusado ang krimen bunsod ng pagkasira ng kanyang pag-iisip:
“We now use a three-way test: first, insanity must be present at the time of the commission of the crime; second, insanity, which is the primary cause of the criminal act, must be medically proven; and third, the effect of the insanity is the inability to appreciate the nature and quality or wrongfulness of the act. x x x
It is highly crucial for the defense to present an expert who can testify on the mental state of the accused. While testimonies from medical experts are not absolutely indispensable in insanity defense cases, their observation of the accused are more accurate and authoritative. Expert testimonies enable courts to verify if the behavior of the accused indeed resulted from a mental disease.” (Id)
Kaugnay nito, makatutulong sa depensa ni Grace kung mayroong medikal na eksperto na maaaring tumestigo para sa kanya upang mapatunayan ang kanyang problema sa pag-iisip, na ito ay taglay na niya noong naganap ang insidente ng pananaksak, at ang kanyang kondisyon ang dahilan ng kawalan niya ng kakayahan na maunawaan ang kamalian ng kanyang ginawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments