Inoue, tinalo si Donaire, hari ng WBA, WBC at IBF Bantamweight
- BULGAR
- Jun 9, 2022
- 2 min read
ni MC - @Sports | June 9, 2022

Umalog muna at saka nagpagewang-gewang si Fil-Am fighter Nonito Donaire Jr. bago ito tuluyang bumagsak ng lona sa kanilang rematch kamakalawa ng gabi ni Japanese super star Naoya Inoue, at bigyan siya ng round 2 sa Saitama Super Arena sa Saitama, Japan.
Unang pinabagsak ni Inoue si Donaire ng malakas na kanang upak bago magtapos ang unang round, pero nagawa pang makabalikwas ng 39-anyos na si Donaire sa naturang round pero hindi na niya makuha ang tamang tiyempo pagkaraan.
Makaraan ang ilang mabibigat na patama ng jabs ng Hapon ay natiyempuhan niya ng matulis na left at right hooks si Donaire para tuluyan na itong bumagsak sa ikalawang pagkakataon.
Bagamat nakita pa ni referee Michael Griffin na tumayo pa si Donaire, pinahinto na nito ang laban sa 1:24 segundo ng 2nd round.
"Inoue got me really good," pag-amin ni Donaire sa kanyang YouTube channel Beyond the Ring nina Nonito at Rachel matapos ang laban. "I was always going to keep fighting. I'm glad the referee stopped the fight because I'm always going to stand up that's part of me, I don't have any quit in me."
Sinabi ni Donaire na iyon ang suntok na nagpagiling sa kanya. "It's so crazy, I didn't see the punch coming. I went blank," saad pa ng Fil-Am, na dating 4-division champion at boxing hall-of-fame candidate.
Sa naturang pagkatalo, kumawala sa kanya ang WBC bantamweight title. Napag-isa naman ni Inoue ang kanyang WBA at IBF crowns.
Unang tinalo ni Inoue ang Pinoy sa una nilang bakbakan noong 2019, kung saan nagwagi sa puntos ang Hapon kasunod ng 12 rounds na brutal na bakbakan. Ang laban ang itinanghal na Fight of the Year.
Si Inoue ay nanatiling divisional titlist dahil ang WBO belt ay hawak pa ni Paul Butler. "I thank everybody. Thank you for all the support," ani Donaire. "I trained really hard and very very confident. But I didn't implement the game plan early. It is what it is, he was an amazing fighter and I'm glad I get to share the ring with him."




Comments